TATLO linggo nang umaarangkada ang pangangampanya, at tuluy-tuloy lang sa paglilibot sa kapuluan ang 62 kandidato sa pagkasenador, dumadalo sa mga debate sa telebisyon, nagre-record ng campaign ads sa TV at radyo, nakikipagpulong sa mga campaign strategists, at ginagawa ang lahat ng panunuyo sa mga botante, na pipili na sa Mayo 13 ng mga susunod na mamumuno sa kanila.
Kung hindi lang ako masyadong nakatutok sa pagnenegosyo, masasabi kong hindi ako updated sa mga nangyayari sa kampanyahan. Subalit gustung-gusto ko ang bagong siglang hatid sa akin ng pagnenegosyo. Kaya ang magagawa ko lang ay ang mag-alok ng unsolicited advice sa mga kandidato sa pagkasenador. Tatlong congressional campaigns at tatlong national elections na ang aking sinabaka, kaya naman masasabing may sapat na karanasan ako sa larangang ito.
Pero ayaw kong pagtuunan ang mga karaniwang isyu tuwing kampanyahan. Hindi ko sasabihan ang mga kandidato kung paano kukumbinsehin ang mga botante. Alam kong karamihan ay campaign tactics ang tinututukan. Pero mahalaga na mayroong tamang estratehiya at solidong mensahe. Kailangan na mailatag nang mahusay ang mga paraan kung paano isasagawa ang estratehiya. Mahalaga rin na may sapat na pondo dahil masyadong magastos ang national campaigns. Kailangang mulat at nakauunawa ang kandidato sa maraming usaping pambansa at maging lokal. Dapat na isagawa ang lahat ng ito. Mayroon namang mahuhusay na campaign managers at strategists para sa ganitong trabaho.
May idadagdag lang ako tungkol sa estratehiya. Naniniwala akong importante sa ngayon na may scientific campaign ang isang kandidato. Nangangahulugan na ang mga taktika at desisyon ng mga nangangampanya ay dapat na nakabase sa mga datos at sa mapagkakatiwalaang impormasyon. Ang pupuntahan, ang mensahe sa mga botante, ang lugar kung saan makakukuha ng sapat na boto ay hindi dapat na kuwentong kutsero lang ang pinagbatayan. Dapat na ito ay ibinase sa scientific research—makatutulong nang malaki rito ang mga surveys at FGDs. Pero gaya nga ng sinabi ko, ipaubaya na lang natin ito sa mga eksperto.
Mas interesado ako sa personal na aspeto ng naghahangad na mahalal sa Mayo. Garantisadong pahirapan ang 90 araw na ito sa buhay ng kandidato, sa pisikal at maging sa emosyonal na larangan. Bukod pa roon, siyempre, ang usaping pinansiyal, pero sa ibang kolum na lang natin iyon tatalakayin. Magiging sobrang nakakapagod ang pangangampanya. Kaya naman napakaimportante na manatiling positibo sa buhay ang isang kandidato.
Iwasang maging masyadong emosyonal. Hindi mangyayaring magugustuhan ka ng lahat. Sa mga ganitong panahon ng kampanyahan para sa halalan, uulanin ka ng puna at batikos. Ang ilan ay kakayanin pa, pero mas marami ang below the belt. Lalo na sa panahon ngayon ng social media, na napakadali na lang na makasira sa reputasyon ng kandidato ang mga nagba-viral na fake news. Matitindi ang magiging bira ng iyong mga katunggali, pero mahalagang huwag kang magpaapekto sa mga ito. Huwag kang bababa sa kanilang level. Nangangampanya ka lang, hindi nakikipag-away. At huwag na huwag mong kalilimutan kung ano ang dapat mong gawin—ang ipaliwanag sa mga botante kung ano ang iyong mga plataporma para sa kanila.
Kilalanin ang bansa at ang mamamayan nito. Sa pangangampanya ay malilibot mo ang buong bansa. Nakakapagod, oo, pero nakatutuwa ang pambihirang karanasang ito. Samantalahin ang kampanya upang makilala ang bansa. Nang kumandidato akong senador at kalaunan ay sa pagkapangulo, nagkaroon ako ng pagkakataong makita, ‘yung totoong mapagmalas, ang ganda ng ating bansa. Mabibisita mo ang mga lugar na hindi mo pa napupuntahan. Isa itong napakagandang oportunidad. Samantalahin mo ang pagkakataong mapagmasdan ang kagandahan ng mga lalawigan. Pahalagahan ang tyansang makilala ang mga ordinaryo ngunit nakatutuwang mga tao. Sa maniwala kayo o hindi, ang ilan sa pinakamakabuluhang pakikipaghuntahan ko ay sa mga karaniwang Pinoy na bigla na lang lalapit sa akin para yakapin ako habang ikinukuwento sa akin ang kanilang buhay.
Sa huli, at naniniwala akong pinakamahalaga, i-enjoy mo ang natatanging karanasang ito. Alam kong sobrang nakakapagod ang mangampanya, bukod pa sa punumpuno ng tensiyon, pero mahalagang namnamin mo ang bawat yugto nito. Mararanasan mo ang kasiyahan at pakikipagtawanan sa iyong mga empleyado at pamilya. Magbibigay-daan ito sa positibong pananaw mo habang nangangampanya sa halip na pagtuunan mo ng pansin ang pagod at hirap. Mahalagang armas ang humor para sa matagumpay na pangangampanya. Isa itong karanasang hindi mo malilimutan, kaya samantalahin at i-enjoy mo ito.
-Manny Villar