Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 n.h. -- Rain or Shine vs Columbian Dyip
7:00 n.g. -- Magnolia vs Phoenix Pulse
MAPANATILI ang kapit sa unang dalawang puwesto para sa hinahangad na insentibo patungo sa playoff ang tatangkain ng Phoenix Pulse at Rain or Shine sa pagsalang sa magkahiwalay na laro ngayon sa 2019 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Kasalukuyang nakaluklok sa una at ikalawang puwesto ang Fuel Masters at Elasto Painters taglay ang markang 7-1 at 7-2 ayon sa pagkakasunod.
Makakasagupa ng Phoenix ang Magnolia sa huling laro ganap na 7:00 ng gabi kasunod ng tapatan Rain or Shine at Columbian Dyip ganap na 7:00 ng gabi.
Matapos ang 94-80 panalo kontra sa Alaska noong nakaraang Biyernes sa MOA Arena, nagpahayag ng kahandaan ang Fuel Masters sa kanilang nakatakdang pagsalang sa huling tatlo nilang laban kung saan makakatapat nila ang kinukunsiderang “Big 3” ng liga sa ngayon-ang tatlong SMC teams na Magnolia, Ginebra at San Miguel Beer.
“Tatlong malalakas na teams ang makakalaban namin so di ka pwedeng magrelax,” pahayag ni Phoenix ace forward Calvin Abueva na syang namuno sa nakarasng panalo nila kontra Alaska sa ipinoste nyang double-double 21 puntos at 16 rebounds.
“Kailangan makuha namin tong tatlo, kahit maka-dalawa para siguradong No. 2 or No. 1 (sa playoffs),” dagdag nito.
Pagkatapos ng Magnolia, susunod nilang haharapin ang Ginebra sa Marso 10 at pinakahuli ang Beermen sa Marso 16 sa Panabo City sa Davao del Norte.
“Kailangan namin manalo kaya siyempre hindi namin pwedeng pabayaan to. Kailangan namin ituloy-tuloy to at kailangan namin iimprove ang depensa namin,” ayon pa kay Abueva.
-Marivic Awitan