NANG mahawakan ko ang calculator at umpisahan kong magkuwenta, malakas akong napasigaw ng “wow” sa lumabas na mga numero na halos ‘di ko mabilang na mga zero para sa kabuuang halaga ng maaaring maging “commission” ng masuwerteng “broker” sa itatayong 50,000 Telco tower na magpapabilis sa internet connection sa buong bansa.
Ang tawag ng mga kaibigan kong engineer sa “commission” ay SOP, ang pinaikling salita ng “Standard Operating Procedure”. Kailangan umano itong lumabas sa usapan ng pagkuha ng kontrata sa anumang proyekto ng gobyerno. Binigyan ko rin ito ng sarili kong kahulugan, “Suhol, Obligasyon at Padulas”.
Ang halaga ng bawat isang tower ay P6 milyon, kaya pumapatak na ang kabuuang halaga ng proyektong ito para maitayo ang 50,000 tower ay P300 bilyon – at kung susundin ang SOP na 10 percent, tumataginting na P10 bilyon ito agad, na mapupunta sa opisyal na mambabraso para makuha ang buong proyekto. Bukod pa ito sa kikitain ng kumpanya ng opisyal na maaaring maka-tie-up ng “main contractor” na makakakopo sa proyekto.
Ang pinakamainit na nagtutulak na hawakan lamang ng dalawang kumpanya ang 50,000 itatayong mga communication tower na halagang P300 bilyon ay ang lodi ko at lodi naming mga “baby boomers” na si Presidential Adviser on Economic Affairs, Ramon “RJ” Jacinto. Ang pagpasok ng pinaka inaabangang Third Telco angsagot para totoong pagbilis ng usad pagong nating internet connection.
Bakita kaya siya ganito kasugid?
Sa senate hearing noong Enero 24, 2019 ay katakut-takot na pang-aalaska ang inabot ni lodi RJ sa mga senador, sa pangunguna ni Sen. Grace Poe. Lumitaw kasi na hindi lang ‘yung pagiging Am-Boy niya, bagkus ‘yung pagiging “endorser” niya ng isang malaking American telecommunication company ang nagpapayo sa kanya kung ano ang dapat na gawin, batay na rin sa pag-amin niya.
Sinabihan tuloy siya ni Senator Poe ng: “Well precisely because they want to make money so they limit it to two players. Are you being influenced by this American Company?” Dito napatigalgal si lodi RJ at medyo nakapag-isip-isip muna, lalo pa nang lumitaw na magkakaroon ito ng “conflict of interest” sa negosyo ng kanyang pamilya na matagal nang nasa “steel mining and manufacturing business”.
Sa naturang hearing, lumitaw ang mainit na bangayan nina lodi RJ at Department of Information &Communication Technology secretary Eliseo del Rio: “As long as I am the acting secretary of DICT mam (Senator Poe) it will not be implemented. And Mam, I am the one who is supposed to sign on this policy, noh.” Siya raw kasi ang siguradong madedemanda ng mga taong kokontra sa panukalang ito ni Lodi RJ.
Pero ilang linggo lamang makaraan ang senate hearing, umarangkada na naman si lodi RJ at dito ay lantaran na niyang itinutulak ang pagpasok sa bansa ng American Tower Corporation, na umano’y magiging kabahagi ng sinasabi niyang dalawang kumpanya na magtatayo ng mga cell site tower sa buong kapuluan.
Malinaw ang naging tugon ng senado sa pangungulit ni lodi RJ. “A lot of us agree with your position that we should allow more players to come in. When it comes too even the building of the cell towers. We are limiting it to two, nakatatakot ‘yan, mamaya palpak ‘yung dalawa mas lalo pa ‘yan matagalan. I’m sorry Mr. Jacinto maybe your intentions are good and I see that you have some points but limiting it to two is, well, I feel further delays and will add more complications,” dagdag pa ni Sen. Poe.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.