SA iniibig nating Pilipinas, kung Marso ay nararamdaman na ang init ng nalalapit na pagsapit ng tag-init. Nadarama ang hatid na init ng sikat ng araw na parang kumakagat sa balat.
At habang patuloy ang pagtaas ng araw, ang init ng sikat nito ay nagiging masakit at mahapdi na sa balat lalo na kung hindi ka nakasilong sa lilim ng mga punongkahoy ang bubong ng bahay o ng tindahan.
Sa marami nating kababayan, ang panlunas nila sa nadaramang init ay paliligo. Sa mga kababayan naman natin na malapit sa ilog o dagat, ang solusyon sa nadaramang init ng panahon ay maglublob at magbabad sa tubig. Sa ganitong paraan, naiibsan o nawawala ang nararamdamang init.
Ang Marso ay itinuturing na Buwan ng Kababaihan. At tuwing sasapit ang ika-8 ng Marso, masayang ipinagdiriwang ang International Women’s Day o ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Binibigyang-pugay at parangal at pagpapahalaga ang kababaihan.
Ang Buwan ng Kababaihan ay isang magandang pagkakataon upang bigyan ng pagkilala ang mga Pilipina sapagkat malayo na ang kanilang narating at nagawa sa pag-aangat ng kalagayan nila sa ating lipunan.
At dito sa iniibig nating Pilipinas, lahat na halos ng sektor ng lipunan ay may mga babae na ang talino, kakayahan at potensiyal ay naging mahalagang ambag, bahagi at sangkap sa kaunlaran, paglilingkod sa bayan, sa mga kababayan at sa pamayanan o komunidad.
Ayon sa kasaysayan, ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ay sinimulang ipagdiwang noong Marso 8, 1910 bilang pagkilala sa pakikipaglaban para sa mga karapatan ng kababaihan. Hiniling ito ng isang German labor leader na si Clara Zetkin sa mga kinatawan ng pandaigdigang kilusan ng mga manggagawa.
At noong 1977, ang General Assembly ng United Nations ay nagpatibay ng isang resolusyon na nag-aatas sa mga bansang kasapi ng United Nations na ipagdiwang ang International Women’s Day tuwing sasapit ang ika-8 ng Marso ng bawat taon. Mula noon, lumaganap sa buong daigdig ang pagdiriwang.
Nagsimula naman ang pagdiriwang sa iniibig nating Pilipinas noong Marso 8, 1971 kasabay ng pagtutol ng mga kilusan ng kababaihan laban sa kahirapan. Sa paglipas ng panahon, napatunayan na nakarating na ang kababaihan sa antas ng pagkakapantay sakalalakihan. Hindi lang sa ehekutibong (executive) sangay ng pamahalaan nakarating ang kababaihan kundi maging sa lehislatura (Kongreso at Senado) at hudikatura (Korte Suprema).
May mga babae na ring miyembro ng Philippine National Police (PNP). Hindi “Pahingi Ng Pera” na birong tawag ng iba nating kababayan. Ang tinutukoy ay ang mga nangongotong na ilang bugok at bulok na tauhan ng PNP. May mga babae na ring miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa lalawigan ng Rizal, mababanggit na halimbawa ang unang babaeng gobernador nito na si Governor Rebecca Nini Ynares, na sa ngayon ay siya pa ring governor ng Rizal. Ang unang babaeng naging vice governor ng Rizal ay si dating Vice Governor Jovita Rodriguez. Sa Laguna naman ay si dating Governor Ningning Lazaro.
Bukod sa paglilingkod sa pamahalaan, ang kababaihang Pilipina ay nangingibabaw na rin sa pribadong sektor, gaya ng sa sining, academe, negosyo, mass media (print at broadcast) at iba pang larangan.
Maging sa panahon ng ating mga ninuno, ang kababaihan ay itinampok at nakilala ring marangal, matapat, matapang at dakila sa mga alamat. Hindi na nalilimot sina Princesa Urduja, Donya Maria Uray ng Sorsogon, at si Donya Ana Kalang, ang nagtatag ng bayan ng Nagcarlan sa Laguna.
Sa kasaysayan, lalo na sa panahon ng panunupil at paninikil ng mga Kastila, hindi dapat malimot sina Gabriela Silang, ang “Joan Arc ng Ilocandia; Teresa Magbanua, ang “Joan of Arc” ng Bisaya; Trinidad Tecson, ng San Miguel, Bulacan; Gregoria de Jesus, ang Lakambini ng Katipunan at unang babaeng miyembro nito; Marcela Agoncillo, isang makabayan at magandang taga-Taal, Batangas na tumahi ng ating Pambansang Watawat; Melchora Aquino o Tandang Sora, ang dakilang Ina ng Himagsikan; at si Teodora Alonso, isang huwarang ina ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.
Sa Bibliya, lalaki man ang unang nilikha ng Diyos, isang babae rin ang nagbigay-aliw sa lalaki at pinagmulan ng lahat ng tao—si Eva. Sa sinapupunan ng isang Babaeng Pinagpala ang nagdala sa Anak ng Diyos na tumuos sa sangkatauhan.
Si Jose Rizal ay may Maria Clara na buong pag-ibig at ginawang pangunahing tauhan sa kanyang nobelang “Noli Me Tangere”. Maging si Francisco Balagtas ay may Selya na nagsilbing inspirasyon sa pagkakasulat ng “Florante at Laura”.
Sa kabuuan, maging ang mga iba pa nating bayani at dakilang Pilipino ay babae ang naging mga inspirasyon at lakas sa likod ng kanilang mga tagumpay sa buhay.
Kaya marapat lang na sa lahat ng panahon at hindi lang sa pagdiriwang ng International Women’s Day na sila’y mahalin, igalang at parangalan.
At paalaala naman sa mga lalaking nambubugbog ng asawa, tandaan ninyong lagi na ang babae ay minamahal, hindi binubuntal; ang babae ay iniirog, hindi binubugbog. At dapat ding maisip ng kalalakihan, ang iyong ina na isang babae ang inyong pinagmulan.
-Clemen Bautista