KINILALA si swimming sensation Micaela Jasmine Mojdeh bilang “Athlete of the Month” para sa buwan ng Pebrero ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS).

MOJDEH: Swimming protégée

MOJDEH: Swimming protégée

Itinuturing top age-group swimmer sa bansa at pangunahing atleta ng Philippine Swimming League (PSL) sa girls 11-12 division, walang puknat ang pagbibigay ni Mojdeh ng karangalan sa bansa sa nakalipas na international tournament, tampok ang katatpos na Beijing All-Star Swimming Championships sa pamosong Water Cube sa Beijing matapos makopo ang walong ginto, tampok ang pitong bagong meet record.

Kasama ni Mojdeh sa torneo ang kaibigan na si Julia Basa na nagwagi naman ng dalawang ginto, tampok ang isang meet record, tatlong silver at isang bronze medal, sapat para angkinin ng dalawa ang marka bilang unang Pinoy na nagtala ng record sa eight-country meet.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang 12-year-old student ng Immaculate Heart of Mary College ay nagwagi sa 200-meter fly (2:17.89), 200m individual medley (2:25.68), 200m breaststroke (2:43.51), 100m butterfly (1:04.67), 100m IM (1:09.85), 50m butterfly (29.41) and 50m breast stroke (36:13), na pawing meet records.

Nasungkit niya ang ikawalong ginto mula sa girl’s 11-12 division 100m breaststroke (1.17.77).

“Ang tagumpay na ito ni Jasmine sa kanyang murang edad ay hindi matatawaran. Sa Beijing, muli niyang itinayo ang bandila ng Pilipinas,” pahayag ni TOPS president Ed Andaya ng People’s Tonight.

Ang Palarong Pambansa standout ang ikalawang atleta na makatatanggap ng buwanang rekognisyon mula sa TOPS.

Nauna nang nahirang si world boxing champion Manny Pacquiao bilang “Athlete of the Month” sa buwan ng Enero.

Ang iba pang mga nakunsidera para sa recognisyon ay ang mga boxers na sina Carl Jammes “Wonder Boy” Martin, Dave Penalosa at Vic Saludar at archer Naina Dominique Tagle ng Dumaguete.

Napanatili ni Martin ang kanyang WBA Asia bantamweight championship matapos talunin si Petchchorhae Kokietgym ng Thailand sa kanilang enkuwentro sa SM City North EDSA Skydome nitong Feb. 16. Sa kasabay na gabi, wagi si Penalosa ng technical knockout laban kay Marcos Cardenas ng Mexico para makuha ang WBO Oriental featherweight title.

Samantala, namayani si Saludar laban sa Japanese southpaw na si Masataka Taniguchi via unanimous decision sa kanilang WBO minimumweight sagupaan saTokyo, Japan nitong Feb. 20.

Si Tagle ay nakapag-uwi ng pitong gintong medalya sa archery sa nakalipas na Batang Pinoy Visayas leg sa Iloilo City. Sina Mojdeh at Martin ay nauna ng naging panauhin sa TOPS’ “Usapang Sports” sa National Press Club.

Ang TOPS ay binubuo ng mga sports editors, reporters at photographers ng mga pangunahing tabloid newspapers sa bansa.