Tuluyan nang binawian ng buhay nitong Lunes ang 52-anyos na dating bida ng 1990s TV drama na si ‘Beverly Hills 90210’ na si Luke Perry makaraang dumanas ng “massive” stroke noong nakaraang linggo.
Napanood sa comic-based na Netflix series na ‘Riverdale’, kinumpirma ng publicist ni Luke na si Arnold Robinson na binawian ng buhay ang aktor sa isang ospital sa Los Angeles, habang napaliligiran ng kanyang pamilya at malalapit na kaibigan, kabilang ang dati niyang asawang si Minnie Sharp, ang dalawa niyang anak, at ang fiancé niyang si Wendy Madison Bauer.
“The family appreciates the outpouring of support and prayers that have been extended to Luke from around the world, and respectfully request privacy in this time of great mourning. No further details will be released at this time,” saad sa pahayag ni Arnold.
Miyerkules nang isinugod sa ospital sa Los Angeles si Luke makaraang ma-stroke sa bahay, iniulat ng celebrity website na TMZ.com. Ayon sa update ng TMZ nitong Lunes, simula nang ma-stroke ay hindi na nagkamalay ang aktor.
Naospital si Luke sa kaparehong araw na inihayag ng Fox TV na muli nitong bubuhayin ang ‘Beverly Hills 90210’, na tatampukan ng karamihan sa mga original cast nito, gaya nina Jason Priestley, Jennie Garth, at Tori Spelling. Hindi kasama si Luke sa mga nabanggit na magbabalik sa serye, na limitado lang sa anim na episodes.
Reuters