ITO ang pinakakakaibang pagpupulong sa pagitan nina United States President Donald Trump at North Korean leader Kim Jong Un nitong Huwbes sa Hanoi, Vietnam. Ayon kay Trump, bigla na lamang itong natapos nang magdesisyon siya “to walk” sa harap ng mga kahilingan ng North Korean Leader na ihinto na ng Amerika ang mga parusa nito sa kanyang bansa.
Hindi para sa negosasyon ang dahilan ng pagpupulong sa summit. Ang mahahalagang bahagi at detalye para sa mga probisyon sa isang kasunduan ay dapat na hinahawakan ng mas mabababang opisyal. Ang dalawang lider ay dapat na nagkikita lamang para sa pinal na bahagi—ang seremonyal na paglagda sa kasunduan para masaksihan ng mundo.
Para sa Hanoi summit, tinawid ni Trump ang kalahati ng mundo matapos niyang ipangalandakan ang espesyal niyang ugnayan kay Kim at pagbanggit sa inaasahang magandang ekonomiya sa hinaharap para sa isang ‘nuclear—free’ na North Korea. Inanunsiyo ng White House na magkakaroon ng “Joint Agreement Signing Ceremony” na susundan ng isang ‘working lunch’ para sa dalawang lider.
Para naman kay Kim, bumiyahe siya sakay sa espesyal na berdeng tren mula Pyongyang na kabisera ng North Korea na tumawid sa Yalu River patungong Liaonin na probinsiya ng China, saka naglakbay ng dalawa at kalahating araw sa 4,000 kilometrong biyahe sa timog kanluran patungo sa hangganan ng Dong Dang, sa Vietnam, kung saan siya sinalubong ng motorcade para sa daang kilometrong biyahe patungong Hanoi.
Kasunod nito’y nagkita sina Trump at Kim nitong umaga ng Huwebes, upang simulan ang planong dalawang araw na pulong ngunit nilisan ng dalawang lider at ng kanilang mga delegado ang pagpupulong nang hindi man lamang nauupo para sa planong pananghalian. Sinabi ni Trump na ang punong balakid sa kasunduan ay ang hinihingi ni Kim na tanggalin ng US ang lahat ng mga economic sanction nito sa North Korea kapalit ng pagsasara ng isa lamang nukleyar na pasilidad.
Gayunman, iginiit ni North Korea Foreign Minister Ri Yong Ho na ang hinihiling lamang ni Kim ang “partial” na pagtanggal sa sanction kapalit ng pagsasara ng pangunahing pasilidad ng North Korea para sa fissile material. Sinabi ni Vice Foreign Minister Choe Son Hui na nawalan ng interes si Kim na pagbuo ng kasunduan nang gumulo na ang usapan. Wala na rin umanong plano para sa susunod pang pagpupulong.
Nakatakda ring makipagkita si President Trump kay China President Xi Jinping sa kanyang estado sa Florida, at kumpiyansa siya sa kahihinatnan ng kasunduan para mawakasan ang trade war ng dalawang bansa. Mainam na mapagkasunduan muna ng mabababang opisyal ang lahat ng mga posibleng detalye ng kasunduan upang paglagda na lamang ang kanilang aatupagin sa Florida at mawakasan na ang trade war.
Mayroon ding nagpapatuloy na pagsisikap upang makabisita si Pangulong Duterte sa Amerika. Nitong Biyernes, sinabi ni Secretary of Foreign Affairs Teodoro Locsin, Jr. na maaaring tanggapin na ng Pangulo ang imbitasyon matapos ang halalan sa Mayo, lalo’t mayroon itong “very strong affection” para kay Trump, na hindi katulad ni President Obama, na umiwas na batikusin ang war on drugs ng Pilipinas.
Isa itong magandang ideya. Madali lamang mabubuo nina Secretary Locsin at US Secretary of State Mike Pompeo ang isang kasunduan, na nagtatampok sa ating matatag na ugnayan sa Amerika, at lalagdaan nina Pangulong Duterte at President Trump bilang tampok sa pagbisita ni Duterte sa estado.