SA pakikiisa ng Department of Agriculture (DA), ang mga magsasaka ng Panay Island ang benepisyaryo ng P65.5 milyong halaga ng proyekto na pinondohang tulong mula sa Korea International Cooperation Agency (KOICA).

Ang limang taong proyekto na Panay Island Upland–Sustainable Rural Development Project (PIU-SRDP), na ngayon ay nasa ikatlo at ikaapat nang bahagi, ay opisyal nang ipinasa sa DA Regional Field Office 6 (Western Visayas), gayundin sa mga benepisyaryo ng proyekto sa isang seremonya sa San Miguel, Iloilo nitong Biyernes.

Sa isang pulong-balitaan kasabay ng seremonya, sinabi ni KOICA President Lee Mi-Kyung na hindi na magiging limitado ang mga magsasaka sa pagtatanim ng mga agrikultural na produkto dahil maaari na rin nitong pasukin ang distribution, na nakaugnay sa micro-finance at credit.

“This project is quite special. This project seeks to establish the sustainable development system run by farmers in the rural area, especially the upland, which remains at the outskirts of benefits in terms of development,” pahayag ng KOICA executive.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nahahati sa tatlong bahagi ang proyekto: ang unang bahagi ay nakatuon sa pagpapabuti ng pamumuhay ng mga magsasaka sa unang 15 barangays na bahagi ng proyekto; ang ikalawang bahagi ay nakatuon sa income generation ng 10 sa 15 barangay; at ang ikatlong bahagi ay ang pagsasaayos ng marketing system.

Bahagi ng third phase ng proyekto ang pagtatayo ng10 Bayanihan Tipon Centers (BTC) sa Libacao at Madalag sa Aklan; Patnongon, Sebaste at Tobias Fornier sa Antique; Jamindan at Tapaz sa Capiz at Alimodian, Lambunao at Tubungan sa Iloilo.

Isang Local Food Terminal din ang itinayo sa San Miguel, Iloilo na inaasahang magsisilbing consolidation center ng mga produktong magmumula sa mga BTC.

Samantala, ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, ang proyekto ay resulta ng serye ng mga mungkahing ipinasa sa pamahalaan ng Korea sa pamamagitan ng KOICA matapos ang Rice Processing Complex sa Pototan, Iloilo.

Ang complex ay itinayo matapos ang pananalasa ng Bagyong Yolanda noong 2013.

Sa press conference, ibinahagi ni Piñol ang kanyang tiwala na mapanatili ang proyekto dahil sa sistema na gagamitin.

“Involving farmers in the process is very safe way of ensuring the sustainability of the project. If it’s stakeholder driven, the project, I would assume, would more likely succeed,” aniya.

Dagdag pa niya, ang proyekto ay “very good example” na maaaring kopyahin sa iba pang bahagi ng bansa, katulad ng “Tienda” project na umano’y kahawig ng ideya ng KOICA-funded project.

Inaasahang matutulungan ng proyekto ang nasa 11 samahan ng magsasaka sa isla ng Panay.

Ang proyektong nabanggit ang inimplementa ng Hankyong National University, sa pamamagitan ng KOICA-Project Management Consultancy at Regional Field Office 6 ng DA.

PNA