KRITIKAL at lubhang mahalaga ang idaraos na 2019 midterm elections sa Mayo 13 para maghalal ng 12 senador na iluluklok sa Senado. Obligasyon ng mga Pinoy na pumili ng mga kandidato na dapat ay may prinsipyo, paninindigan, tunay na lingkod ng mamamayan, at hindi duwag na tumayo at magtanggol sa kapakanan ng bayan.

Hindi dapat na maging “tuta” at yukod-ulo ang mga ihahalal na senador sa powers-that-be. Hindi dapat na maging isang “rubber stamp” ang Senado, gaya ng impresyon ng taumbayan sa Kamara o House of Representatvies (HOR).

Ang gobyerno ng Pilipinas ay may tatlong sangay--Ehekutibo, Lehislatura at Hudikatura. Itinatadhana ng Konstitusyon na ang tatlong sangay ay malaya sa isa’t isa, may sariling hurisdiksyon na dapat igalang ng bawat isa.

Subalit sa kasalukuyang nangyayari, parang lumalabas na pinakamakapangyarihan ang sangay ng Ehekutibo, napasusunod nito ang Lehislatura, lalo na ang HOR, samantalang natatakot ang Hudikatura na ang mga kasapi (hukom, mahistrado) ay may mga lihim na itinatago kung kaya kayang-kayang takutin at gipitin ng Ehekutibo.

Pagkakataon na upang itama ng mga botante sa Sa Mayo 13 ang anumang pagkakamali na maaaring nagawa nila noong nakaraang halalan. Hindi dapat magpabola ang mga tao sa matatapang at palabang talumpati, sa katatawanang ibinibida ng mga kandidato at sa mga pangakong iaangat ang kalagayan sa buhay ng mga mamamayan. Sana ay maging matalino at mapanuri ngayon ang mga Pinoy.

oOo

Alam ba ninyong ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) na mangangasiwa sa loob ng tatlong taon ng bagong autonomous Muslim region, ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARM), ay may P31 bilyon ngayong taon?

Ang pondo ang inirekomenda ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa P3.757 trilyong national budget para sa 2019 sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na ngayon ay papalitan ng BARMM. Ang ARMM ay pinamumunuan ni Gov. Mujib Hataman samantalang ang BARMM ay pamumunuan ni Al Hajj Murah Ebrahim, supreme leader ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

oOo

Naging bisita ni PRRD sa Malacañang si Nur Misuari, founding chairman ng Moro National Liberation Front (MNLF), noong Lunes. May plano ang ating Presidente na lumikha ng bagong peace agreement sa MNLF matapos maitatag ang BTA.

Ayon kay PDu30, handa si Nur na makipag-usap ng kapayapaan sa kanya. Sinabi ng Pangulo na may edad na si Misuari at ayaw na nito ng giyera. Ang gusto ngayon ng MNLF chairman ay pag-uusap ng kapayapaan. Hindi na bala at kanyon kundi usapang malumanay at mabunga. Maganda ang hakbang na ito ni Mano Digong upang hindi isipin ni Nur at ng kanyang mga tagasunod na sila ay naitsa-puwera sa BTA/BARMM.

oOo

Naniniwala si PRRD na halos lahat ng kanyang pangako noong kampanya sa panguluhan noong Mayo 2016 ay natupad na niya. Kabilang dito ang pagsugpo sa illegal drugs, kriminalidad, kurapsyon at pagtatamo ng kapayapaan. Ang hindi lang daw niya natupad ay solusyon sa mabigat ng daloy ng trapiko sa bansa, lalo na ang sa EDSA.

Matanong ko nga kayo: Naniniwala ba kayo sa pahayag na ito?

-Bert de Guzman