NANAWAGAN sa publiko ang dating Miss Universe at UNAIDS Asia-Pacific goodwill ambassador na si Pia Wurtzbach upang tuluyan nang matuldukan ang diskriminasyon, kasabay ng paggunita sa Zero Discrimination Day kahapon, Marso 1.
“It is an opportunity to celebrate everyone’s right to live a full and productive life with dignity—no matter what they look like, where they come from or who they love,” post ni Pia sa Instagram.
“Let’s come together to end discrimination and celebrate diversity, tolerance and inclusion.”
Ginugunita tuwing Marso 1 ang Zero Discrimination Day, isang taunang worldwide event na nagsusulong ng pagkakaiba-iba at kumikilala sa kahalagahan ng bawat tao.
Marso 1, 2014 nang ginunita ng United Nations ang unang Zero Discrimination Day makaraang ilunsad ng UNAIDS, programa ng UN sa human immunodeficiency virus (HIV) at Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS), ang Zero Discrimination Campaign sa World AIDS Day noong Disyembre 2013.
Ang mga organisasyong tulad ng UN ay aktibong isinusulong ang event sa paglulunsad ng iba’t ibang aktibidad upang bigyang-diin ang karapatan ng bawat isa sa maayos at may dignidad na pamumuhay anuman ang edad, kasarian, sekskuwalidad, nationality, lahi, kulay ng balat, tangkad, timbang, propesyon, edukasyon, at paniniwala, ayon sa timeanddate.com.
Maraming bansa ang may mga batas laban sa diskriminasyon pero problema pa rin ito sa maraming aspeto ng lipunan sa lahat ng bansa. Marami pa ring bansa ang gumagamit sa diskriminasyon sa pamumuno.
Si Pia ang itinalagang Goodwill Ambassador ng Joint United Nations Program on HIV/AIDS (UNAIDS) Asia-Pacific noong Mayo 3, 2017.
“I will use my voice, my social media following (for this advocacy). People who are following me right now, at least when they look at me, they’ll know that (I am) advocating for HIV/AIDS,” ani Pia.
Matagal nang umaapela si Pia sa publiko na magpasuri upang malaman ang kanilang HIV status, dahil, ayon sa Miss Universe 2015, isa sa bawat walong tao ang hindi alam kung may HIV sila o wala.
“Which means, some individuals are not receiving the attention and care that they need and deserve to stay healthy and avoid risking others,” sabi ni Pia.
Hunyo 2016 nang magpasuri sa Amerika, kasabay ng National HIV Testing Day, at magnegatibo si Pia.
-ROBERT R. REQUINTINA