“’KE ang impormasyon ay totoo o hindi ay walang kaugnayan. Kawastuhan ay hindi kuwestiyon dito. Ang kuwestiyon ay ano ang impormasyong pinagbatayan ng Pangulo. Kung mayroon kang napuna na mga ‘di nagkatugmaan o kahinaan, hindi sapat ito para pawalang-saysay ang pagtitiyak ng Pangulo,” wika ni Punong Mahistrado Lucas Bersamin sa isang publikong pagtitipon.
Pagdedepensa niya, ito sa naging desisyon ng Korte Suprema na sa botong 9-4 ay pinalawig sa ikatlong pagkakataon ang martial law sa Mindanao. Nagsalita na kaagad si Chief Justice kahit ang buong teksto ng desisyon ay hindi pa lumalabas. Ibang klase ang Korte Suprema ngayon kaysa sa mga nauna ritong mga mahistrado na sina Roberto Concepsion, J.B.L. Reyes, Jesus Barrera, Fred Ruiz Castro at Claudio Teehankee. Nang ang Korte Suprema ay nasa ilalim ng mga ito, wala itong spokesman at lalong walang mahistrado na idenepensa ang desisyon nito. “Ang desisyon ng Korte ay siyang spokesman nito,” wika ni Justice J.B.L. Reyes.
Kung ang pinakabuod ng desisyong nagpapalawig sa martial law sa Mindanao hanggang katapusan ng 2019 ay iyong sinabi ni CJ Bersamin, mukhang binago ng Korte Suprema ang doktrina ukol sa pagdedeklara ng martial law ng Pangulo. Para bang ibinalik ng Korte ang luma at pinalitan na ng doktrina na ang mananaig ay ang pagtitiyak ng Pangulo sa pangyayari bilang batayan ng pagdedeklara ng martial law. Hindi ito ang isinasaad na obligasyon at kapangyarihan ng Korte sa ilalim ng Saligang Batas.
Ayon sa Sec 18, Article VII, ang kasong isasampa ng kahit sinong mamamayan, ay puwedeng repasuhin ng Korte Suprema kung sapat ang factual basis ng proklamasyon ng martial law. Kaya kung hindi magkakatugma o may kahinaan ang mga pangyayaring nagsisilbing batayan ng proklamasyon, materyal ang mga ito. Ang katiyakan ng Pangulo sa impormasyon na kanyang pinagbabatayan ay hindi dapat mangingibabaw. Halimbawa na lamang ay ang mga dokumentong iprinisinta sa Korte hinggil sa mga karahasan na hindi naman binanggit kung sino ang nasasakdal, tapos ang igigiit ay dahil sa kagagawan ng Abu Sayyaf at mga rebeldeng komunista.
May mga insidente na sila-silang mga miyembro ng Abu Sayyaf ang nagpatayan. Ang mga pangyayaring ito ay lumabas noong dininig ng Korte Suprema ang tatlong petisyong humihiling na ibasura ang pagpapalawig ng martial law sa ikatlong pagkakataon, nang busisiin ni Mahistrado Benjamin Caguiao ang mga dokumento at ebidensiyang iprinisinta ng gobyerno. Nasabi tuloy ng mahistrado: “Paano masusuportahan ng mga ito ang sinasabing ang rebelyon ay nagpapatuloy?” Sa ilalim ng Saligang Batas, puwedeng ipatupad ang mratial law sa buong bansa o partikular na lugar sa limitadong 60 araw, kung may pananakop o rebelyon dahil kinakailangan ito para sa kaligtasan ng publiko.
“Wala namang nagaganap na rebelyon sa Mindanao taliwas sa sinabi ng gobyerno,” sabi nina dating Comelec Commissioner Christan Monsod at Albay Congressman Edcel Lagman na ilan sa mga nagsampa ng petisyon. “Katunayan nga, bumuti ang sitwasyon pagkatapos na mawakasan ang pananakop sa Marawi noong Oktubre 20017 at nagkaroon ng halalan ang barangay at Sangguniang Kabataan noong Mayo 2018. Hiniling din ni dating Senate President Nene Pimentel, taga Mindanao at kaalyado ni Pangulong Duterte na alisin ang martial law sa ibang bahagi ng Mindanao tulad ng Cagayan de Oro, Davao at Caraga region. Paano, aniya, makakakuha ang lugar ng investor kung pinalalabas na magulo sa buong isla?
Kaya kung titingnan ang kabuuan ng ebidensiyang nailatag sa Korte Suprema, hindi lang mahina at hindi makakatugma ang impormasyong isiniwalat ng gobyerno na batayan nito sa pagpapalawig ng martial law dahil walang rebelyon. Nasupil na ang ginawang pagkubkob sa Marawi. Mapayapang naganap ang halalan noong nakaraang taon. Hindi ko alam kung lalabas at boboto ang mamamayan kung may nangyayaring kaguluhan at rebelyon. Ang hindi maganda sa desisyon ng SC ay kahit imbento lamang ang batayan, basta tiniyak ng Pangulo na nangyayari ito, puwedeng suportahan na nila ang martial law. Napakadali para sa Pangulo na gawin ang ginawa ni dating Pangulong Marcos na nagpatupad ng diktadura sa buong bansa.
-Ric Valmonte