DUMATING at natapos na kahapon ang Marso 1, ang wakas ng 90-araw na pahinga na idineklara ni United States President Donald Trump sa trade war nito sa China, nang walang tiyak na kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa. Ngunit ang pahayag ni Trump na wala siyang balak na itaas pang muli ang taripa ng Amerika na ipapataw sa mga produkto ng China sa nakabimbin na pagpupulong niya kasama si Chinese President Xi Jinping ang nagpataas ng malaking pag-asa na nalalapit nang magwakas ang trade war.
Sinimulan ng Amerika ang trade war noong unang bahagi ng Hulyo 2018, nang sapulin nito ng taripa ang $250 bilyong halaga ng angkat na produkto mula sa China, kasunod ng pangako ng pagpapataw ng taripa sa $627 billion pa. Inaakusahan nito ang China ng hindi patas na kalakalan na humantong sa malaking trade surplus para sa China. Agad naman itong tinugunan ng China sa sariling pagpapataw ng taripa sa $110 bilion produkto ng US.
Makalipas ang maraming buwan ng lumalalang kawalang katiyakan na nakaapekto na sa kalakalan ng mundo bilang isa, sa wakas ay nagkasundo na ang Amerika at China na magdaos ng pagpupulong nitong nakaraang buwan, kung saan sumang-ayon si President Trump sa isang “truce” hanggang Marso 1. Walang naging kasunduan kahapon, ngunit nabanggit ni Trump ang “substantial progress” sa pag-uusap at sinabing ipagpapaliban niya ang panibagong pagtaas sa taripa ng Amerika para sa mga produkto ng China—mula 10 patungong 25 porsiyento—na nakatakda para sa araw na iyon. Nakatakda siyang makipagkita kay President Xi sa estado ng Florida kung saan inaasahang ihahayag ang pinal na kasunduan.
Kinilala ang pagpapaliban ng pagtaas ng taripa bilang malinaw na senyales na nalalapit na ang kasunduan at ang katotohanang ng trade war ay hindi na lamang nakaaapekto sa pagitan ng US at China, ngunit sa buong kalakalan ng mundo na nagpapabagal sa paglago ng ekonomiya ng mundo.
Bagamat minimal pa lamang ang naging epekto ng trade war sa Pilipinas, inaasahan ang malaking epekto nito sa atin kung magtatagal pa ito, lalo’t ang US at China ang kasalukuyang pinakamalaking ekonomiya sa mundo at kabilang ang mga ito sa pangunahing katuwang sa kalakalan ng Pilipinas.
Nasasangkot ngayon ang US sa maraming pandaigdigang suliranin. Kasalukuyang nasa Vietnam si Trump para sa pagpupulong nito kasama si North Korean Leader Kim Jong Un, para sa isang usaping layuning mawakasan ang kaguluhan at pangamba ng digmaan sa pagitan ng dalawang bansa na nagsimula pa noong 1950. Sa Carribean mula sa Florida, sumiklab ang kaguluhan sa Venezuela kung saan suportado ni Trump ang isang lider na humahamon kay Venezuela President Nicolas Maduro. Inanunsiyo rin ng Kongreso sa Amerika ang pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa umano’y pakikialam ng Russia sa US presidential election noong 2016.
Tinututukan din ng Pilipnas ang pakikipagpulong ni President Trump kay Kum Jong Un sa Vietnam, ngunit ang inaasahang kasunduan sa pagitan ng US at China ang nakakakuha ng ating atensiyon dahil sa direktang epekto nito para sa ating sariling pag-unlad at pagsulong ng ekonomiya. Umaasa tayo sa nalalapit sa summit sa Florida ng may malaking pag-asa at ekspektasyon.