KUNG ang nakalipas na Pebrero ay tinatawag na “love month” o Buwan ng Pag-ibig, ang ikatlong buwan naman sa kalendaryo ay tinawatag na “Buwan ng Kababaihan”. Hindi lamang sa Pilipinas binibigyang-pagkilala, parangal at pagpapahalaga ang kababaihan, kundi sa buong daigdig. At kapag sumapit na ang ika-8 ng Marso, masaya, makulay at makahulugang ipinagdiriwang ang “International Women’s Day” o Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Ang Pilipinas ay isa sa mga hindi nalilimot na makiisa sa pagdiriwang.
Ang Buwan ng Kababaihan ay magandang pagkakataon upang mabigyan ng pagkilala ang mga Pinay sapagkat malayo na ang kanilang narating, nagawa, naiambag at naitulong sa pag-aangat ng kanilang kalagayan sa ating lipunan. Sa halos lahat ng sektor ng ating lipunan ay may mga babae na ang talino, kakayahan at mga potensiyal ay naging mahalagang ambag, bahagi at sangkap sa kaunlaran, paglilingkod sa bayan, sa mga kababayan at maging sa pamayanan o komunidad.
Sa kasaysayan, ang “International Women’s Day” ay sinimulang ipagdiwang noong Marso 8, 1910, bilang pagkilala sa pakikipaglaban ng mga karapatan ng kababaihan. Hiniling ito ng isang German labor leader na si Clara Zetkin sa mga kinatawan ng pandaigdigang kilusan ng mga manggagawa. Pagsapit ng 1977, isang resolution ang pinagtibay ng General Assembly ng United Nations, na nag-aatas sa mga bansang kasapi na ipagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan tuwing Marso 8 ng bawat taon. Simula noon, lumaganap sa daigdig ang pagdiriwang. Nagsimula naman sa Pilipinas ang pagdiriwang noong Marso 8, 1981, kasabay ng pagkontra ng mga kilusan ng kababaihan laban sa kahirapan.
Sa paglipas ng mga taon, napatunayan na nakarating na ang kababaihan sa antas ng pagkakapantay sa kalalakihan. Hindi lamang sa ehekutibong sangay ng pamahalaan nakarating ang kababaihan, kundi maging sa lehislatura (Kongreso at Senado) at hudikatura (Suprene Court). May mga babae na ring miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa Rizal, mababanggit na halimbawa ang unang babaeng naging gobernador ng lalawigan na si Governor Rebecca “Nini” Ynares. Si Ynares ay governor pa rin ngayon ng Rizal. Una namang vice governor ng Rizal si dating Vice Gov. Jovita Rodriguez. Sa Laguna, ang unang governor na babae ay si dating Gov. Ningning Lazaro.
Bukod sa paglilingkod sa pamahalaan, ang mga Pinay ay nangibabaw na rin sa pribadong sektor gaya sa sining, academe, negosyo, mass media (print at broadcast) at iba pang larangan. Nakikipagsabayan sa gawain ng kalalakihan.
Sa panahon ng ating mga ninuno, ang kababaihan ay naging bahagi rin sa pagbibigay-ningning sa kasaysayan ng lahing Pilipino. Ang kababaihan ay tampok at nakilala ring marangal, matapat, matapang at dakila sa mga alamat. Mababanggit na mga halimbawa at hindi malilmot sina Prinsesa Urduja, na nasa mural painting ng National Artist na si Carlos Botong Francisco; Donya Maria Uray, ng Sorsogon; at si Donya Ana Clang, ang nagtatag ng bayan ng Nagcarlan sa Laguna.
Sa kasaysayan, hindi na malilmot sina Gabriela Silang, ang “John of Arc” ng Ilocandia; Teresa Magbanua, ang John of Arc ng Bisaya; Trinidad Tecson, ng San Miguel, Bulacan; Gregoria de Jesus, ang Lakambini ng Katipunan; at unang babaeng miyembro ng nasabing samahan ng mga rebolusyonaryong Pilipino; Marcela Agoncillo, isang makabayan at magandang taga-Taal, Batangas na tumahi ng ating pambansang watawat; Melchora Aquino o Tandang Sora, ang dakilang ina ng Himagsikan; at Teodora Alonso, ang huwarang ina ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.
-Clemen Bautista