“NAHAHARAP tayo sa maselang problema. Nakapasok na sa ating bansa ang Medellin cartel ng Colombia, kaya makikita natin ang maraming cocaine. Nasa panganib tayo dahil sa kanang bahagi, Mexico at kahit Medellin ng Colombia ay nagpapasok ng cocaine,” wika ni Pangulong Duterte sa pambansang asembleya ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas sa Pasay City nito lang nakaraang Lunes ng gabi.
Nauna rito, bloke-blokeng cocaine sa water-proof wrappers ang nasagip sa ilang bahagi ng eastern coastline ng bansa, mula sa probinsya ng Aurora hanggang Samar, pababa sa Surigao del Sur at Davao Oriental. “Hanggang sa ngayon, base sa aming koordinasyon sa mga ibang bansa, mukhang sa ating bansa lang ito nangyayari. Hindi sila nakaranas ng tulad ng nararanasan natin dito na floating cocaine,” sabi ni Director General Aaron Aquino ng Philippine Drug Enforcement Ageny sa panayam sa kanya sa radyo nitong nakaraang Martes.
Ayon kay Aquino, kaunti lang ang tumatangkilik ng cocaine sa bansa na ang mabili ay shabu, ecstacy at marijuana. Kaya, aniya, maaaring ang nasabat na cocaine ay para sa mga Chinese, Hong Kong at Australian markets at ginamit lang na bagsakan ang Pilipinas, o kaya ay sinadyang iwan bilang decoy para mailigaw ang atensiyon sa posibleng pagpasok pa ng higit na malaking shipment sa mga hindi gaanong nababantayang bahagi ng baybayin.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng Pangulo na ang kanyang war on drugs ay higit na magiging malupit dahil naalarma na siya sa pagpasok sa bansa ng international drug syndicate, kabilang ang Sinaloa cartel ng Mexico at Asian Bamboo Triad. Ipinangako niya na mas mapanganib mabuhay para sa mga sangkot sa ilegal na droga sa loob ng nalalabing tatlong taon ng kanyang termino. “Kung ikaw ay drug lord, wala akong pakialam kung ikaw ay nagbuhat sa China, Taiwan o Malaysia. Kapag nagpunta kayo rito, papatayin ko kayo,” wika pa niya. Ayon sa kanya, ang panganib na hinaharap ng bansa dahil sa droga ay isyung kinakategorya na niya na national security.
Samantala, isang linggo pagkatapos na pahintulutan ng Metro Rail Transit (MRT) 3 management ang mga pasahero na makapagdala ng likido, isang lalake ang inaresto sa Araneta Center-Cubao station dahil may taglay siyang granada. Ang granadang dala ni Christian Guzman, ayon sa mga security guard ng MRT 3, ay nakabalot ng brown packaging tape na inilagay sa loob ng kahon ng cellphone nang matuklasan nila ito sa bag nito nang magdaan sa x-ray machine. Ibabalik daw niya ang granada sa kanyang kapatid na nangangalang Pfc. Alvin Guzman, na nasa Army’s commission on electronics unit, ayon kay Senior Supt. Giovanni Hycenth Caliao, chief ng Cubao police station. “Sabi ni Guzman, ang lasenggo nilang ama ay laging ipinagmamayabang na mayroon silang granada, kaya nais niya itong ibalik sa kanyang kapatid upang mailayo sila sa disgrasya,” ayong kay Caliao.
Dahil sinabi ni De Guzman na ang pagsasaulian niya ng granada ay ang kanyang kapatid na si Pfc. Alvin na nasa Army’s commission on electronic unit, beneripika ng isang pahayagan sa Army ang deklarasyong ito ni De Guzman, pero hindi sumagot ang Army. Inamin din ni Senior Supt. Caliao na hindi niya alam kung bakit na sa layuning ito ni De Guzman ay sa MRT siya sumakay. Pero, hindi niya rin ito inalam kay De Guzman.
Mistulang magulo na ang bansa. O hindi kaya ay pinalalabas na magulo na? Paano kasi, walang araw na hindi naiiulat na may nasasabat ang mga awtoridad na bultu-bultong shabu at bloke-blokeng cocaine. Walang araw din na hindi naibabalita ang mga naarestong tao na nadakip at napatay sa buy-bust operation sa mga lugar na pinagbentahan ng droga o sa drug den. Kahit noon pa man ay marami nang napatay sa pagpapatupad ng war on drugs ng gobyerno. Hindi malayong may sasabog sa mga mataong lugar na kikitil ng marami ngayong ikokondisyon na ang taumbayan sa pagsipot ni De Guzman. Ganito nag-umpisa ang batayan ng pagdeklara ni dating Pangulong Marcos ng martial law.
-Ric Valmonte