ANG magkakasunod na pagkakalambat ng mga mangingisda sa mga palutang-lutang na ilegal na drogang “cocaine bricks” sa iba’t ibang baybayin sa bansa nito lamang nakaraang linggo, ay malinaw na patunay na mga pulitiko pa rin ang patong sa droga.

Lumang kuwento na ang ganito. Matagal na itong nangyayari at patuloy pa ring mangyayari, hangga’t ang mga botante sa ating bansa ay hindi matututong kumilatis sa tunay na damdamin ng mga ibinobotong kandidato sa kanilang lugar.

‘Wag na kayong magpapaniwala sa kung anu-ano pang pambibilog sa ating ulo ng mga “intel operative” kuno na nagpapakawala ng mga report na kesyo kagagawan umano ito ng drug cartel na galing sa Mexico, iniluluto ang cocaine sa mga maliliit na barko, saka itinatapon sa dagat upang pulutin ng drug syndicate dito sa bansa. Ikuwento ninyo ‘yan sa pagong.

Ito pa ang isa, nabasa ko sa kolum ni Mamang Irwin Corpuz, na ayon sa report ng mismong bossing ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), “diversionary tactics” lamang daw ito ng sindikado naman ng shabu para makapagpasok ng bilyun-bilyong halaga ng “bato” sa bansa, habang nakatutok ang mga operatiba ng PDEA sa pagtunton kung saan nagmula ang mga naglutangang cocaine.

Baka naman dahil sa mga ganitong impormasyon, kaming mga mamamahayag na gaya ni Mamang Irwin ang siyang maging biktima ng “diversionary tactics” at tuluyan nang malayo ang aming “focus” sa mga pulitiko na napipiho namin na may malaking papel sa ganitong klase ng operasyon upang magpasok ng droga sa bansa.

Hindi ako nagtataka na kung kailan malapit na ang halalan para sa taong ito, saka biglang naglutangan ang mga cocaine na ito sa mga baybayin sa bansa, bakit kanyo? Marami kasing pulitiko na ang gamit na panggastos para manalo sa pulitika ay “drug money”, at marami ring tao sa gobyerno ang kumukunsinti sa mga ito, dahil lahat sila ay “namamantikaan” sa ilegal na droga.

Ang mga maimpluwensiyang pulitikong ito sa malalaking lalawigan, gamit ang “drug money”, ang bumibili sa boto ng mga mahihirap na tao sa coastal town, upang iupo bilang mayor ang bata nila. Pinipili rin nila ang mga opisyal ng pulis at militar na “mangangalaga” kuno sa “peace & order” sa kani-kanyang Area of Responsibility (AOR). Ngunit ang totoo rito, ang mga opisyal na ito ang kabuuang makinariya para makapasok sa bansa ang bilyong halaga ng mga ilegal na droga na gaya ng shabu at cocaine.

Gusto ninyo ng sample? I-Google ninyo ito: “Mayor Mitra drugs operations” at lalabas ang buong kuwento ng katulad ng sinasabi ko rito.

Ito ang naglalaro sa aking isipan, mayroon kayang mas malaking bulto ng droga na maaaring pinanggalingan ng mga naligwak sa dagat, na aksidente at magkakasunod naman na nalambat ng mga inosenteng mangingisda, na nagdala nito sa mga pulis? Malakas ang kutob ko na mayroon.

Pakiramdam ko kasi ay napakaliit na bahagi lamang ito, animo mumo ng kanin sa hapag-kainan, ng mas malalaking bulto ng naipasok na droga, kaya’t hindi na pinag-aksayahan ng oras na habulin pa ng sindikadong nagpasok nito sa bansa.

Sabi nga ng beteranong anti-narcotics agent na kakuwentuhan ko, konti lamang ang mga inanod na cocaine bricks na ito, kung ang pagbabasehan ay ang timbang nito. Daang kilo o tonelada umano kasi dapat ang bigat ng mga epektos kapag sa ganitong pamamaraan ipinapasok para hindi sayang ang operasyon ng sindikado.

Ang dami umano ng nakukumpiskang droga ay sa timbang sinusukat at hindi sa presyo, mukhang marami lang ito dahil sa masyadong mataas ang “street value”na ginagamit ng mga operatiba sa pag-compute kaya palaging daang milyon o bilyon ang “total value” ng nakukumpiska nilang droga.

Gaya ng nasabi ko, “Tanggapin ang perang ibinibili ng inyong boto, pero ‘yung matino ang isulat sa balota.”

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: daveridiano@ yahoo.com

-Dave M. Veridiano, E.E.