NAGSIMULANG magreklamo ang mga power consumer sa Zamboanga City laban sa tumitinding power outages na, sa kabalintunaan, hindi dahil sa kakulangan sa supply ng kuryente kundi sa hindi pagkakasundo sa bayaran sa pagitan ng Zamboanga City Electric Cooperative (Zamcelco) at power generator Western Minadanao Power Co. (WMPC).
Nagsimula ang problema ng Zamboanga nang karamihan ng Mindanao ay umuunlad, pinakikinabangan ang polisiya at programa ng administrasyong Duterte. Positibo ang mga local economic officials na ang buong rehiyon ay mabilis na sumusulong, na may mataas na infrastructure na ginagastos sa ilalim ng “Build, Build, Build.” Malaki ang pag-asa at ekspektasyon sa mas magandang road networks, economic activity, maraming trabaho, at mas murang bilihin.
Ngunit mismong sa Zamboanga City, nagsimulang magreklamo ang mga residente at negosyante sa mas matagal at madalas na power outages. Ito ay dahil ang electric cooperative at power producer ay hindi nagkakasundo sa pagbabayad ng utang na nasa P350 milyon hanggang nitong Enero 18, 2019.
Ayon sa power generating firm, ang WMPC, napilitan itong putulin ang operasyon simula Pebrero 4 dahil naubusan ng gasoline, dulot ng umano’y hindi pagbabayad ng utang ng kooperatiba. Ang huli, na pinamumunuan ng Crown Investment Holdings, Inc., ay siningil umano nang labis ng power firm. Kinuwestiyon nito ang payment arrangement na ginawa sa nakalipas na tatlong taon.
Maaaring umabot ng ilang taon bago makapagdesisyon ang ahensiya ng gobyerno o korte para sa utang sa WMPC. Sa ngayon, naghihirap ang mga tao sa Zamboanga City. Ito ay mas titindi sa susunod na buwan sa pagpapatuloy ng operasyon ng sardine canneries ng lungsod matapos ang kanilang regular na tatlong buwang pahinga. Iniulat na ikinokonsidera ng kooperatiba ang isang paraan gaya ng paggamit ng emergency generator sets, ngunit mas malaki ang magagastos ng Zamboanguenos dahil mahal ang diesel.
Maraming power shortages sa nakalipas sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nakaraos mula sa kakulangan sa supply. Hindi ito ang problema ng Zamboanga City. Lumalabas na ito ay resulta ng hindi pagkakasundo sa pagbabayad ng utang. Para sa kapakapan ng mga residente ng Zamboanga City at sa kaunlaran ng Mindanao, umaasa tayo na maayos na ang hindi pagkakasundo at maresolba ang problema.