NAGPASYA ang Top Rank Promotions na kaya nang maging main event ni IBF super flyweight champion Jerwin Ancajas kaya itataya na niya ang ang kanyang titulo kay mandatory at No. 1 contender Ryuichi Funai ng Japan sa Mayo 4 sa Stockton, California sa United States.

Inihayag ng Top Rank na ihiwalay ang laban ni Ancajas sa depensa ni WBA at WBO lightweight champion Vasyl Lomachenko ng Ukraine kay mandatory contender Anthony Crolla ng United Kingdom sa Abril 12 sa Staples Center, Los Angeles, California.

Hindi rin nai-line up ang laban nina Ancajas at Funai sa depensa ni WBO welterweight champion Terence Crawford kay Briton Amir Khan sa Abril 20 sa Madison Square Garden sa New York.

Ito ang ikapitong depensa ni Ancajas ng korona mula nang talunin si Puerto Rican McJoe Arroyo noong 2016 sa Taguig City para maagaw ang IBF super flyweight title.

Angelica Yulo, proud na ibinida hakot awards na 'Golden Boy' anak na si Eldrew

Inaasahang magtatagumpay si Ancajas sa kanyang depensa laban kay Funai na katulad lamang ang estilo ng Hapones ring si Teiru Kinoshita na pinatulog niya sa 7th round sa ikalawang pagtatanggol ng IBF title noong Hulyo 2, 2017 sa Brisbane, Australia.

May rekord si Ancajas na 30-1-2 kumpara kay Funai na may kartadang 31 panalo, 7 talo na may 22 pagwawagi sa knockouts.

-Gilbert Espeña