PASADO na sa Kamara ang panukalang “Philippine National Performing Arts Companies Act” (HB 7785) na magpapasigla sa sining pang-entablado at kulturang Pilipino sa pagpili ng karapat-dapat na mga National Performing Arts Company (NPAC).
Pasado na rin sa Senado ang katumbas nitong panukalang batas.
Akda ni Albay Rep. Joey Salceda ang HB 7785 na kapag naisabatas na ay magkakaloob ng taunang P5 milyon-P10 milyon sa mapipiling mga NPAC sa loob ng limang taon..
Sa ilalim ng panukala, pipiliin at itatalagang mga NPAC ang 1) National Ballet/ Contemporary Dance Company, 2) National Theater Company, 3) National Orchestra, 4) National Choral Group, at 5) National String Ensemble.
Ang pagpili sa National Performing Arts Companies, ayon sa kongresista, ay ipagkakatiwala sa 15-kataong Selection Committee na bubuuin ng may sadyang kasanayan sa mga teknikal na aspeto ng sining, na magkatuwang na itatalaga ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at ng Cultural Center of the Philippines (CCP).
Ayon kay Salceda, ang mapipiling National Ballet/Contemporary Dance Company, National Theater Company, at National Orchestra ay tatanggap ng tig-P10 milyon taun-taon sa loob ng limang taon, habang P5 milyon naman sa National Choral Group at National String Ensemble.
-REMY UMEREZ