Ipinababalik ng isang transport group sa P10 ang minimum na pasahe, dalawang buwan matapos bawiin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang P1 taas-pasahe sa jeepney.

(PHOTO/ ALVIN KASIBAN)

(PHOTO/ ALVIN KASIBAN)

Sa inihaing petisyon ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), idinahilan ng grupo na hindi na sapat ang umiiral na P9.00 minimum na pasahe sa jeep dahil sa tuluy-tuloy na taas-presyo ng produktong petrolyo sa bansa.

Paliwanag ni ACTO President Efren De Luna, dapat nang ipatupad ng ahensiya ang inilabas nitong resolusyon noong Oktubre 2018 na gawing permanente ang P1.00 fare increase sa PUJ upang magiging P10 na ang sisingilin nilang pasahe.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa nasabing kautusan, binanggit na may dagdag na singil na P1.00 sa bawat unang apat na kilometro.

Matatandaang inaprubahan ng ahensiya ang nasabing taas-pasahe bunsod na rin ng pagtaas ng produktong petrolyo at inflation.

Nitong nakaraang Disyembre, naglabas ng kautusan ang LTFRB na nagsasabing ibalik na sa dating P9.00 ang pasahe dahil na rin sa sunud-sunod na rollback sa presyo ng petrolyo bunsod na rin ng pagbaba ng presyo nito sa pandaigdigang merkado.

-Alexandria Dennise San Juan