SENTRO ng atensyon ang pinakamahuhusay na players sa gaganaping Maharlika Pilipinas Basketball League All-Star Game sa Sabado (Marso 6) sa MOA Arena.
Pangungunahan ni Kapamilya actor at top playmaker ng Marikina na si Gerald Anderson ang South Team. Makakasama niya sina Gab Banal ng Bacoor, Allan Mangahas ng Muntinlupa, Mark Yee ng Davao, at Jhaymo Eguilos ng Batangas.
Bibida naman sa North Team sina dating PBA MVP Gary David ng Bataan kasama sina Cedric Ablaza ng Makati, Mike Ayonayon ng San Juan, Aris Dionisio ng Manila at Mark Andaya ng Pasig.
Ang PBA legend na si Jojo Lastimosa ang coach ng North team, habang si Don Dulay ang titimon sa South Team.
Ayon kay MPBL Commissioner Kenneth Duremdes, ang starting lin-up ay nakuha batay sa fans voting, habang ang mga reserves ay pipiliin ng mga coach.
Inihayag din ni Duremdes na naghihintay ang isang pick-up at 26 na motorsiklo bilang premyo sa raffle para sa mga manonood.
“Regardless kung magkano ang tiket mo, kasali ka sa raffle. Kaya we’re inviting all basketball fans to watch the MPBL All-Star Game this Saturday,” sambit ni Duremdes.