INILABAS nitong nakaraang linggo ng environmental group na Stand.earth at Natural Resources Defense Council ang ulat na higit na marami ang nagagamit na toilet paper ng mga Amerikano kumpara sa alin mang bansa sa kasalukuyan. Ang papel ay gawa sa sepal ng kahoy, na karamihan ay ginagawa ng mga nagtotrosong kumpanya sa lumang kagubatan sa Canada. Ang mga kumpanyang nagtotroso rito ay nagpuputol ng higit 405,000 ektaryang puno kada taon.

Una rito, noong Setyembre 2017, iniulat ng isa pang environmental group, ang Greenpeace, na ang China, Indonesia at Pilipinas ang nangungunang “worst plastic polluters” sa karagatan ng buong mundo. Ang mga ito ang nangungunang consumer ng mga produktong katulad ng straw ng softdrinks, bottle caps at labels, pakete ng instant coffee at mga grocery bags. Habang ang tatlong kumpanya ng Amerika ang kinilalang nangungunang producer ng mga produktong nakabalot sa mura, at itinatapong plastik sa buong mundo.

Sa unang tingin, ‘tila hindi magkaugnay ang dalawang ulat na ito. Ngunit ang mga ito ay may malalim na ugnayan sa isa’t isa. Ang mga ito ay dalawang mukha ng iisang problema sa pandaidigang polusyon, na may kaugnayan sa mabilis na pagkawala ng mga likas na yaman at paglala ng climate change.

Sa nagpapatuloy na kampanya upang bawasan ang paggamit ng mga single-use plastics tulad ng straws, iminumungkahi ang alternatibong paggamit ng mga wooden stirrers. Sa halip na plastic bag, papel at mga cardboard na kahon ang gamitin. Sa halip na mga plastic na pader para sa mga gusali, wooden panels ang gamitin. Mapapababa nito ang paggamit ng plastik at kasunod nito, ang polusyon sa plastik sa mga karagatan ng mundo.

Ngunit mangangahulugan din ito na mas maraming puno ang kakailanganing putulin upang gumawa ng mga wooden stirrers, paper bag, cardboard boxes, at mga kahoy na pader para sa mga gusali—mas maraming puno kumpara sa libu-libong ngayon ay pinuputol ng mga nagtotroso sa Canada.

Naging mahusay na pampalit ang plastik, na karamihan ay gawa sa langis at iba pang mineral sa lupa para sa kahoy at produktong papel ngunit ang problema ay hindi ito biodegradable. Hindi ito nabubulok, natutunaw, o hindi bumabalik sa lupa katulad ng papel at iba pang produkto na gawa sa puno. Matapos gamitin ang mga ito ay natatambak lamang sa mga landfills, na doon mananatili ng daang libong taon. Pinakamalala, napapadpad ang mga ito sa dagat kung saan kalimitang nakakain ng mga lamang-dagat sa pag-aakalang pagkain ang mga ito at kalaunan ay mamamatay dulot ng mga nabarang plastik sa kanilang mga tiyan.

Isa sa mga solusyon na nakita ng mga siyentista ay ang paglikha ng plastik na biodegradable. Na maaaring bumalik sa lupa matapos gamitin, upang maging pangunahing sangkap para sa mga puno at iba pang likas na yaman. Maaaring may iba pang paraan upang mabawasan ang panganib na maaaring idulot ng plastik sa kapaligiran nang patuloy natin itong magamit, upang mapunan ang pangangailangan ng mabilis na lumalagong populasyon ng mundo, na magsasalba sa ating mga puno mula sa pagputol dito upang gawing produkto na kailangan ng mundo, tulad ng toilet paper.