BIG possibility na makaulit agad sina Liza Soberano at Enrique Gil sa Box Office Awards ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation, Inc. bilang Box Office King and Queen. Sila ang tinanghal na Box Office King and Queen last year para sa My Ex and Whys na ipinalabas noong 2017.
As of Tuesday, February 26, sa pagsasara ng unang linggo sa mga sinehan ng Alone/Together na pinagbibidahan nila, tumabo na ang Black Sheep ng P265M. Second week na ng pelikula simula kahapon at kabubukas lang sa iba’t ibang bansa na maraming overseas Filipino workers, kaya siguradong marami pa silang tatabuing pera.
Itong Alone/Together ang unang local movie na kumita sa takilya ngayong taon. Lahat ng iba pang Pinoy films na naunang ipinalabas pagkatapos ng Metro Manila Film Festival, ay matamlay sa box office. Ang pagbagsak ng local movie industry sa pagpasok ng 2019 ang isa sa hottest topic sa entertainment sector na sinimulan ni Direk Erik Matti.
Pinaka-tricky sa lahat ng mga negosyo ang filmmaking dahil walang eksaktong formula kung ano ang pelikulang magugustuhan ng moviegoers. Ang direktor ng LizQuen sa Alone/Together na si Antoinette Jadaone at ang collaborator/boyfriend na si Dan Villegas ang nagpasimula ng hugot lines sa romantic-comedy films, ilang season ding pinasok ng viewers, pero nang magsunuran na ang iba pang mga direktor, pinagsawaan na rin.
Marami pang produksiyon ang gumagawa ng hugot movies, pero dahil agad nang naamoy nina Direk Tonet at Direk Dan na nanabang na ang audience sa hugot films, agad na silang gumawa ng iba.
Sila rin ang line producers ng Alone/Together para sa Black Sheep, hindi na ito rom-com kundi old shool na romantic drama. Pumatok! Kaya huwag nang magtaka kung magsunuran na naman sa genre o konseptong ito ang ibang direktor.
Hindi na rin kataka-taka kung may iba pang direktor na gumawa rin ng love story sa UP campus.
Pero mas natutumbok ng magkasintahang producers/filmmakers na emotional marketing ang filmmaking.
Hindi exact science ang paggawa ng pelikula, pero kung tulad nina Direk Tonet at Direk Dan ay makaka-connect sa damdamin ng moviegoers ang iba pang filmmakers, malaki ang pag-asang masundan nila ang box office results ng Alone/Together.
-DINDO M. BALARES