KUNG nais daw nating maliwanagan at makamtan ang tamang hakbangin tungo sa tamang solusyon sa isang malaking problema, marapat lamang na himayin ito ng tumpak at wasto.
Sa proseso ng pagtatanong malalaman ang kaliwanagan kung ano kailangan gawin. Halimbawa ay ang isyu ng communist insurgency na sinabuyan ng iba’t ibang hanay o kilusan mula sektor panlipunan. Maaaring budburan ng sili ang mga sugat na natamo ng ating demokrasya sa pagpayag ng “party list”, sa mga “progresibo” (kuno) sa ating Mababang Kapulungan.
Saan ba talaga nagsimula ang komunismo sa ating republika? Magugunita noong 1950s ang grupo ng Hukbalahap, na isa sa lumaban sa mga mananakop na Hapones. Kalaunan ay nagpalit ang layunin at anyo nito at nagsilbing pugad ng armadong kilusan ni Luis Taruc. Naganap ang pagtatayo ng Partido Komunista ng Pilipinas sa ilalim ng mga kapatid na Lava. Ito ang panahon nang ipasa ng Kongreso ang RA 1700 o mas kilala sa tawag na ‘Anti-Subversion Law’. Sa buod na paliwanag, nagkaroon ng pagsusuri hinggil dito hanggang sa nabisto ng Senado at Mababang Kapulungan na may banta sa ating malayang republika mula sa organisadong grupo ng mga komunista, sa pamamagitan ng pagbuwal ng ating pamahalaan at paggamit ng dahas.
Ang payak na pagsapi sa ganitong samahan ay krimeng maituturing na pinarurusahan ng nasabing batas. Sumibol sa sunod na mga dekada ang CPP (Communist Party of the Phil.) na niluto ni Jose Ma. Sison sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Habang ang NPA ay sa Hacienda Luisita itinatag. Tama ba na ang UP, TUP at iba pa ay maging paanakan ng CPP ng mga batang matatalino subalit walang kamuwang-muwang na nilululong sa maling ideolohiya? Tama ba na ang pondo ng bayan pa ang kinakasangkapan para ihain sa mga totoy na sikilin ang demokrasya at isulong ang madugong himagsikan? Nang tanggalin ni Pangulong FVR at Speaker Jose de Venecia ang RA 1700, lalo bang lumala ang terorismo? Nang magkaroon ng mga komunistang congressman, lumobo ba ang nakolektang pondo ng CPP para sa rebelyon? Panahon na bang buhayin muli ang RA1700?
-Erik Espina