MISTULANG sirkus na naman ang kapaligiran natin dahil sa papalapit na eleksiyon.
And’yan ang maiingay na public address system na nakakabit sa mga sasakyan na nag-iikot sa mga barangay upang ipangalandakan ang kani-kanilang kandidato sa eleksiyon sa Mayo 13.
Habang inaanunsiyo ang pangalan ng kandidato at plataporma de gobyerno nito, sinasabayan naman ito ng paulit-ulit na tugtog ng campaign jingle.
Nakaaaliw ba o nakaririndi?
At pagdating sa Poblacion, babalandra ang mga sasakyang bahagi ng campaign motorcade na para bagang nabili na nila ang kalsada.
Ito na ang madalas na eksena sa iba’t ibang lugar.
At kapag umarangkada na ang panahon ng kampanya para sa mga kandidato sa lokal na posisyon, tiyak na lalala pa ang sirkus.
Hindi rin natin palalagpasin ang mga campaign motorcade na nagdudulot ng trapik sa maraming lugar dahil hindi sumusunod sa batas ang mga organizer nito.
Oo nga’t nakakatulong ang pangangampanya ng mga kandidato sa ekonomiya ng iba’t ibang lugar, pero may kasama itong perwisyo.
Nakaka-stress na nga ang trapik sa mga ordinaryong araw ay daragdagan pa nitong mga pasaway na campaign motorcade.
Mabuti na lamang at muling nagbabala si PNP chief Director General Oscar Albayalde sa mga campaign motorcade.
Inatasan nito ang PNP Highway Patrol Group na hulihin ang mga motorsiklo na ilegal na gumagamit ng wang-wang habang umaaktong escort sa mga kandidatong nangangampanya.
Maraming motorcycle club ang naeengganyong magsilbi bilang mga escort sa kandidato dahil, ayon sa ating source, ay nakatatanggap ang kada rider ng P500 hanggang P1,000 sa isang araw na serbisyo.
Bukod dito, naaambunan din sila ng libreng pagkain, T-shirt at vest na may mukha ng mga kandidato.
Hanep nga sa mga giveaway.
Sa kabila nito, nagiging OA (overacting) naman ang mga rider sa pag-escort sa kandidato.
Harang dito, harang doon. Akala mo’y kanila ang kalsada.
Pati ang mga sasakyang kanilang kasabay ay ginigitgit upang maging maluwag ang daraanan ng kanilang patron.
Palibhasa sila’y marami kaya kung maka-bully ng ibang motorista ay ganu’n na lang.
Malakas din ang kanilang loob na gumamit ng mga ilegal na sirena at blinker kaya inaakala ng iba na sila’y mga pulis.
Sa direktiba ni Albayalde, nakasaad sa Presidential Decree 96 na ang awtorisado lamang na gumamit ng wang-wang ay ang mga sasakyan ng gobyerno mula sa militar, pulisya, Land Transportation Office, National Bureau of Investigation, bumbero at ambulansiya.
Malinaw na hindi po awtorisado ang mga motorsiklo na umaaktong escort sa kandidato.
Malinaw pa sa sikat ng araw ‘yan!
-Aris Ilagan