Iginiit ni Oppositon Senator Antonio Trillanes IV na gawin na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang banta nitong imbestigasyon laban sa ina ng senador.
“Just do it. Mahirap dito kay Duterte hindi lang ako kaya, kaya ang nanay kong may sakit ang pinagdidiskitahan. Sige lang, do your worst while I count the days,” ani Trillanes.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Duterte na ipasa-subpoena ang ina ng senador dahil sa umano’y maanomalyang transaksyon nito sa Philippine Navy nang mga panahong aktibo pa mambabatas sa naturang sangay ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Binalewala naman ni Trillanes ang banta at iginiit na wala nang maibato sa kanya ang administrasyon kaya ang pinag-iinitan naman ay ang kanyang ina na may sakit.
Aniya, matagal na itong sinasabi ng Pangulo, pero hanggang ngayon ay wala pa ring nangyayari.
“Since September last year, Duterte has been saying that he asked different agencies to investigate the supposed anomalous transactions of my mother. But up to now, he has yet to show even a shred of evidence to prove his baseless allegations,” ani Trillanes.
Dagdag pa ng senador, ang mga akusasyon sa kanyang ina ay tulad din ng sinabi ni Duterte na may nakatago siyang account sa Singapore nakalaunan ay inamin ng Pangulo na imbento lamang niya.
“Now, Duterte is threatening to subpoena my mother. Just do it and let it be another humiliating episode for you like the fake offshore bank accounts you alleged against me,” giit ni Trillanes.
Ilang isyu na ang ipinukol ng administrasyon kay Trillanes ngunit walang naging matagumpay na magdidiin sa senador.
-Leonel M. Abasola