Ipatatawag ang ina ni Senador Antonio Trillanes IV sa imbestigasyon ng gobyerno sa kanyang business transactions sa militar, sinabi kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
"We will initiate an initiate investigation kagaya mo and I will subpoena your mother sa ayaw mo’t sa hindi. Baka sabihin mong walang power ano -- there is,” sinabi ng Pangulo sa pagtitipon ng mga mayor sa Manila Hotel kahapon.
"We also have the contempt power but we have to go to court,” idinagdag ni Duterte.
Noong Setyembre, sinabi ng Pangulo na ang ina ni Trillanes ay sangkot sa supply contracts sa Philippine Navy habang ang kanyang ama ay nasa military service.
Makalipas ang dalawang buwan, ipinahayag ni Duterte na iniimbestigahan ng gobyerno ang business deals ng mga magulang ni Trillanes.
"We are looking into the paper. We're investigating quietly 'yung mga deals sa panahon ng tatay pati 'yung involved ang nanay," sinabi ni Duterte noong Nobyembre. "And he can be very sure na lalabas lahat ‘yan," idinagdag niya.
Naglabas ng pahayag ang Pangulo matapos muling kastiguhin si Trillanes, matinding kritiko ng kanyang administrasyon, sa pagtitipon ng League of Municipalities of the Philippines (LMP).
Tinawag niya si Trillanes na duwag nang ito ay sumuko matapos mag-aklas laban sa administrasyong Arroyo.
"Kung sabihin mo na uto-utoin ako ng isang u*** na politiko, duwag naman. Pamutinee-mutinee ka diyan tapos mag-surrender. Alam mo adre, Trillanes, 'pag nag-surrender ka para sa akin, wala ka talagang bayag," idinugtong niya.
-GENALYN D. KABILING