Nakuhanan ng closed-circuit television (CCTV) camera kung paano tinambangan ng anim na nakasakay sa motorsiklo ang dalawa umanong hired killers, na ibinibiyahe ng mga pulis pabalik sa presinto sa Sampaloc, Maynila, matapos na isailalim sa inquest proceedings, kahapon.

sdr

Kapwa dead on the spot sina Apolonio Flores, 37, ng 719 Fajardo Street, Sampaloc; at Prince Patrick Cortez, 32, ng 269 Malaya St., Tondo, Maynila.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Sampaloc Police Station (PS-4), naganap ang insidente sa A.H. Lacson St., kanto ng Fajardo St., sa Sampaloc, bandang 5:00 ng hapon.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Una rito, inaresto ng mga pulis ang mga suspek, na kalaunan ay natuklasang mga hitman umano na ang target ay mga drug pushers na 'di nakakapag-remit ng drug money.

Dinala nina PO2 Mark De Lima at PO1 Joven Miguel ang mga suspek sa Manila City Prosecutor's Office, upang sampahan ng mga kasong paglabag sa Section 28 Article V ng RA 10591 in relation to Batas Pambansa 881 (Omnibus Election Code), at paglabag sa Presidential Decree 1866 as Amended by Republic Act 9516.

Matapos ang inquest ay ibiniyahe ang mga suspek pabalik sa presinto, sakay sa mobile car (MC 328) at pagsapit sa naturang lugar ay hinarang ng anim na armadong lalaki.

Apat sa mga suspek ang bumaba sa motorsiklo, tinutukan ng baril ang mga pulis saka dinisarmahan.

Pinababa ng mga suspek sa mobile car ang mga pulis saka pinadapa bago hinarap ang mga nakaposas na suspek, na nasa likod ng sasakyan, at pinaulanan ng bala saka nagsiharurot.

Nagsasagawa ng imbestigasyon sa insidente.

-MARY ANN SANTIAGO