“Kapag ginalaw ninyo ang mga pari, tayo mag-engkuwentro diyan.”
Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga magtatangkang saktan ang mga paring Katoliko at iba pang religious leaders matapos na iparating sa kanya ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga bantang natatanggap ng ilang obispo.
Sa campaign rally ng administrasyon sa Cebu City nitong Linggo ng gabi, nagbanta si Duterte sa mga kriminal na huwag na huwag “gagalawin” ang mga pari, madre, Imam at iba pang miyembro ng religious sector, dahil sa kanya mismo sila mananagot.
“Do not touch the priests, they have nothing to do with politics. Either Muslims or Christians, they had nothing to do with us,” sinabi ng Pangulo sa Bisaya.
“Do not do it. Do not try to do it. Ang religious has nothing to do with the vagaries of life. Lay off…stop threatening them or ako makalaban ninyo.
“Oras na galawin ninyo ang mga madre o pari o Imam…huwag n’yo silang galawin. Those are religious people. Kapag ginalaw ninyo ‘yan, tayo mag-engkuwentro diyan,” dagdag pa ng Pangulo.
Sinabi ng Presidente na ipinarating sa kanya ni Tagle, sa pamamagitan ng isang text message, ang tungkol sa mga death threat na natanggap ni Bishop Pablo David at ng ilang pari, na nagsasabing nanggaling umano sa isang nagtatrabaho para sa pamilya Duterte.
Ang mensahe ng cardinal, na ipinadala kay dating Special Assistant to the President Bong Go, ay binasa ng Presidente sa nasabing campaign rally sa Cebu.
“Good day po. Greetings from Rome,” basa ni Duterte sa aktuwal na text message ni Tagle kay Go na ipinarating sa kanya. “I was informed that Bishop David and some priests got death threats from someone claiming to be working for the President's family. Just to let you know baka may naninira. Thanks.”
Binasa rin ng Pangulo ang sagot ni Go sa cardinal na tumangging may kinalaman ang Pangulo sa mga pagbabanta laban sa mga pari. Sinabi ni Go kay Tagle na posibleng may mga tao na gumagamit sa pangalan ni Duterte sa pagsasagawa ng nasabing mga pananakot.
“Wala pong ganoon cardinal,” basa ni Duterte sa sagot ni Go kay Tagle. “Just to let you know there are persons using the name of the President and his family to threaten kaya dapat ninyo malaman. Ingat po.”
Bibihirang pagkakataon na ipinagtatanggol ni Duterte ang mga obispo, na ilang beses niyang binanggit sa kanyang mga pambabatikos sa umano’y mga pagmamalabis ng Simbahang Katoliko, at mga akusasyon ng kurapsiyon at pang-aabuso.
Matatandaang minsan pang nagbiro ang Pangulo at sinabihan ang mga tambay na pagnakawan at patayin ang kanilang mga obispo, na mariing kinontra ng mga opisyal ng Simbahan, dahil isinusulong umano ng mga katulad na komento ang kriminalidad laban sa mga alagad ng Diyos.
Genalyn D. Kabiling