Nakarekober ang mga awtoridad ng 36 pang cocaine bricks sa baybayin ng Caraga sa Davao Oriental, nitong Linggo ng umaga.

BRICKS PA MORE Inaayos ng lab technician ng  Philippine Drug Enforcement Agency sa Davao City ang cocaine bricks, nagkakahalaga ng  P215 milyon, na nadiskubre sa Caraga, Davao Oriental nitong Linggo. KEITH BACONGCO

BRICKS PA MORE Inaayos ng lab technician ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Davao City ang cocaine bricks, nagkakahalaga ng P215 milyon, na nadiskubre sa Caraga, Davao Oriental nitong Linggo. KEITH BACONGCO

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesman, Senior Supt. Bernard Banac, aabot sa tatlong bungkos ng tig-10 pakete ng cocaine ang natagpuang palutang-lutang sa Barangay Santiago sa nabanggit na bayan.

Sa pagkakadiskubre, aniya, ng nasabing ilegal na droga ay tinatayang aabot na sa P2 bilyon halaga ng droga ang kabuuang nakumpiska sa baybaying-dagat ng Mindanao at Luzon sa nakalipas na dalawang linggo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“It was reported by a local resident to the police who found them while swimming on the shoreline on Sunday morning,” ani Banac.

Lumutang ang nasabing bloke-bloke ng cocaine sa Davao Oriental may 24 oras makaraang madiskubre ring palutang-lutang ang 34 cocaine bricks sa Tandag City, Surigao del Sur.

Aabot na sa 88 na cocaine bricks ang natagpuan sa karagatan ng Dinagat Island at Surigao del Norte, sa nakalipas na dalawang linggo.

Samantala, ilang bloke rin ng cocaine ang nasabat sa Quezon, Camarines Norte, at Camarines Sur—at nitong Sabado, may isang cocaine brick pa ang lumutang sa Dingalan, Aurora.

Tumitimbang ito ng 1.1 kilo, at tinatayang aabot sa P6.3 milyon, ayon kay Nueva Ecija Police Provincial Office director Senior Supt. Leon Victor Rosete.

Aniya, Sabado ng gabi nang isinuko ito sa mga awtoridad ng isang mangingisda na taga-Gabaldon, Nueva Ecija.

Tututukan naman ng Philippine Coast Guard (PCG) ang insidente ng sunud-sunod na pagkakadiskubre ng cocaine bricks sa mga baybayin sa bansa.

Ayon kay PCG spokesman Capt. Armando Balilo, nakikipag-ugnayan na sila sa mga counterpart agencies sa ibang bansa upang matukoy ang pinagmulan ng bloke-bloke ng cocaine.

Aaron Recuenco, Ariel Avendaño, at Beth Camia