Alam mo ba ang buong kuwento sa likod ng EDSA People Power Revolution noong Pebrero 25, 1986?

Bandang dapit-hapon, araw ng Martes, ika-25 ng Pebrero 1986, dumating ang climax ng apat na araw na “people power-backed revolution”—ang pag-alis ng pamilyang Marcos sa Malacañang. Subalit bago ito naganap ay nagkaroon pa ng mga dramang sadyang ginawa ng bawat kampo, bago maisakatuparan ang inaasahan na nilang mangyayari, simula sa pagsikat pa lang ng araw hanggang sa paglubog nito.

Madaling araw pa lang ng Martes ay nakabuntot na ako sa mga grupo ng rebeldeng sundalo na patungo sa Quezon City para sa isang napakahalagang misyon – ang mapatigil ang isang nakaplanong propaganda-broadcast ni Marcos sa natitira pang istasyon ng telebisyon na kontrolado niya—ang Ch-9 na ang transmitter ay ‘di kalayuan sa may Bohol Avenue, malapit sa Quezon Avenue.

Nang makalapit sa transmitter, pumuwesto ako sa lugar na malayo sa maaaring pagsagupaan ng dalawang kampo, ngunit maaari namang maging parang nasa balcony ako ng isang sinehan kung sakali mang magkakaroon ng engkuwentro. Batay kasi sa intel info, lalabas ulit sa TV ang pamilya Marcos para ipakita sa mga tao na siya pa rin ang Pangulo ng bansa at “still in-control of the situation”, gamit ang broadcast facility sa naturang transmitter.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nang mga oras ding iyon, abala naman ang kampo ng pamilya Aquino at mga rebeldeng sundalo sa pag-aayos sa Club Filipino sa Greenhills, na pagdarausan ng napipintong inauguration ni Tita Cory bilang bagong halal na pangulo ng Pilipinas, batay sa napagkasunduan ng breakaway group nina Enrile at Ramos sa mga kaalyado ng pamilya Aquino.

Ngunit sa umpisa pa lamang ng operasyon ng mga rebeldeng sundalo para makubkob ang transmitter ng Ch-9 ay bigo agad sila, dahil sinalubong sila ng mga bala ng baril na mula sa isang “loyalist” sharpshooter na nagtali ng kanyang sarili sa tuktok ng transmitter. Hawak nito ang isang Garand rifle at balang nakapaikot sa kanyang katawan.

Mula sa mataas ngunit bentaheng lugar, pinadadaplisan nito sa ulo at katawan ang bawat rebeldeng sundalong nagtatangkang lumapit at umakyat sa transmitter. Ramdam ng mga umatake ang pagiging asintado ng “loyalist” dahil puro padaplis lang ang tumatama sa kanila. Pakiramdam pa nga nila’y nagbibigay lang daw ng warning ang “sharpshooter” na ‘wag na siyang pakialaman at ayaw din niyang makasakit at masaktan.

Dahil sa galing at tapang ng “loyalist” na ito, nakapag-broadcast na ang pamilya Marcos sa Ch-9 ay ‘di pa rin makalapit man lang ang mga rebelde sa transmitter. Ang naging pantapat kay “loyalist” ay isang helicopter gunship na umikot sa transmitter at nagpaulan ng bala sa nakataling gunman. Tadtad ng tama ng bala sa katawan ang sharpshooter na “loyalist”, at nang ibaba ang bangkay nito mula sa transmitter ay hindi napigilan ng ilang rebeldeng sundalo na humanga at sumaludo sa bangkay ng “loyalist” nang dumaan sa harap nila ang labi nito.

Ilang saglit lang ay naputol na sa ere ang programa ng inauguration ni Marcos at biglang napalitan naman ng balita hinggil sa inauguration ni Tita Cory bilang ika-11 pangulo ng Republika ng Pilipinas. Ang panunumpa ni Tita Cory ay ginawa niya sa harapan ni Senior Associate Justice Claudio Teehankee, sa gitna nang pagbubunyi ng mga tao na nasa Club Filipino, at maging ng mga nanonood sa kanilang mga telebisyon. Dito ay agad na hinirang ni Pangulong Corazon C. Aquino si Enrile bilang kanyang Defense secretary at si Ramos naman bilang kanyang AFP chief of staff.

Mula sa Quezon Avenue, nakiangkas ako sa isang grupo ng mga rebeldeng sundalo na tutulak patungong Malacañang dahil sa impormasyon na nakaalis na umano sa Palasyo ang buong pamilya Marcos at ililipad na ng mga Amerikano patungong Hawaii.

Umaapaw ang buong Mendiola sa dami ng mga taong kumakanta ng “Bayan Ko” na pawang gustong makapasok sa lugar na halos 20 taon ding naging off limits sa mga ordinaryong mamamayan. Inabot pa ng halos mahigit isang oras bago makumpirmang wala na sa Palasyo ang buong pamilya Marcos, bago tuluyang nakapasok sa loob ng compound ng Malacañang ang alon ng mga taong nagbubunyi sa kanilang pagkapanalo sa apat na araw na pakikipaglaban, para tuluyang mapatalsik ang diktaduryang Marcos.

Patang-pata sa pagod at gutom marahil, habang naglalakad ako papalabas ng Palasyo, isang foreign journalist na nagla-live report ang aking nadaanan at nakaringgan ng pasakalyeng nag-alis ng aking pagod at pumawi sa aking kagutuman.

Dave M. Veridiano