Tahimik ang mga tao sa buong magdamag, suwerte lang kung makanakaw ng konting tulog. Maya-maya’y madaling-araw na ng Linggo, Pebrero 23, 1986, kalat na ang balitang nilusob at pinabagsak ng mga “loyalist” na Marines ang transmitter ng Radio Veritas sa Malolos, Bulacan kaya bigla itong nawala sa ere.

Dito na nabalot ng tensiyon ang magkabilang kampo, pati na rin ang mga nagbi-vigil sa gitna ng EDSA, baka raw kasi ang susunod na pag-atake ng mga Marines ay sa magkabilang kampo na. Pero saglit lang ito, na agad pinukaw ng hiyawan ng mga tao, matapos bumalik sa ere ang broadcast ng Radio Veritas gamit ang standby generator at transmitter ng istasyon. Ngunit lalong kinabahan ang mga tao sa EDSA nang i-report ng Veritas na posibleng umatake ang mga Marines sa dalawang kampo sa araw na iyon, batay sa nakuha nilang intelligence report.

Mabilis ang naging pagkilos nina Gen. Ramos at Secretary Enrile, ipinasiya nilang magsama na lang sa Camp Crame matapos makumpirma ang intel report sa gagawing paglusob ng mga tangke ng Marines at eroplano ng Philippine Air Force (PAF). Dito naganap ‘yung “Salubungan sa EDSA” na kasamang palagi sa pag-alaala sa pagdiriwang ng 1986 EDSA People Power Revolution.

Bandang hapon, nag-ingay ang mga radio frequency na naka-save sa memory ng radio scanner. Dito ko nalaman na palusob na sa EDSA ang mga Marines. Ilang minuto lang matapos kong ibato ang impormasyon sa kaibigan kong tiktik sa harapan ng Camp Crame, ay nagsimula nang dumagundong ang EDSA sa mga parating na tangke ng Marines na galing sa Fort Bonifacio – ang target, ayon sa report ng Radio Veritas, ay pasabugin ang Camp Crame.

Makatindig-balahibo ang sitwasyon sa mga oras na ito – lalo pa nang biglang umalingawngaw sa buong EDSA ang kantang “Bayan Ko” na sabay-sabay inaawit ng mga nagbi-vigil sa harapan ng Crame at Aguinaldo.

Ramdam ko ng mga oras na iyon na ang takot na nararamdaman ng bawat Pilipinong nasa gitna ng EDSA ay biglang natabunan ng pagmamahal sa bayan – at kabilang na ako rito.

Nang i-report ng Veritas na nasa may kanto na ng Ortigas Avenue at EDSA ang ilang tangke ng Marines na patungong Crame, ay nagsuguran ang mga tao nasa gitna ng kalye, sa pangunguna ng mga madre na armado ng kanilang “Bible at rosary” para harangin at pakiusapan ang mga “loyalist” na sundalo na huwag nang ituloy ang gagawin nilang pag-atake sa mga rebeldeng sundalo.

Wala ring tigil sa pagdarasal ang karamihan sa mga tao, habang paulit-ulit na kinakanta ang “Bayan Ko” ng ilang grupo ng banda na nagpanagpo sa EDSA.

Sa may kanto ng Connecticut Ave. at EDSA nagpanagpo ang mga tao at tangke ng Marines. Buong tapang na humarang ang mga tao, sa pangunguna ng mga madre, sa daraanan ng mga tangke kaya’t ‘di man lang nakausad ang mga ito.

Matagal na nakahinto ang mga tangke na waring nakikipagtitigan sa mga taong nakaharang, nang biglang umatungal ang makina nito. Nagulat at napatigalgal ang mga nakaharang na tao sa pag-aakalang iyon na ang katapusan nila at umpisa ng madugong labanan – ngunit hindi naman pala.

Dahil sa halip na umusad pa-abante ay dahan-dahang umatras ang mga ito, kasunod ang nagitlang mga tao, hanggang sa kanto ng Ortigas, sa harapan ng gusali ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA).

Mula roon ay tumawid sa kabilang kalsada ang mga tangke, patungo sa bakanteng lote na kinatatayuan ngayon ng EDSA Shrine at ng Robinson’s Galleria. Noon ay nababakuran ito ng mataas na pader, na binunggo ng mga tangke hanggang magiba, para doon sila pansamantalang humimpil habang naghihintay muli ng “order to attack” mula sa kanilang komandante na si Brig Gen. Artemio Tadiar.

Habang nakatigil ang mga tangke sa lugar ay naganap ang makasaysayang pagbibigay ng pumpon ng bulaklak ng kababaihang teenager, sa mga Marines na sakay ng mga tangke. Ang pangyayaring ito ay nai-immortalized sa larawang inilagay sa P500 bill, na inilabas ng Bangko Sentral noong Arroyo administration.

Papadilim na nang mula sa isang Huey helicopter na paikut-ikot sa itaas ng bakanteng lote na kinatitigilan ng mga tangke ay bumaba sa ibabaw ng isang Armoured Personnel Carrier (APC) tank si Brig. Gen. Tadiar, na agad inulan ng tanong mula sa mga foreign journalist na nakaantabay sa lugar. Maraming tanong at mga sagot, ngunit ito ang tanong at sagot na ‘di ko malilimutan sa araw at oras na iyon:

Journalist: “When are you going to order your men to attack?”

Brig. Gen. Tadiar: “What a question?! Do you think I am that crazy to give such order and annihilate these freedom-loving people?”

Biglang natahimik ang lahat. ‘Di na nakabato ng follow-up na tanong ang mga taga-media dahil nag-radio na si Tadiar para agad siyang sunduin sa naturang lugar ng Huey helicopter na nagbaba rin doon sa kanya. Sumabog ang ingay nang makaalis na ang heneral – ingay ng papalayong helicopter at pagdiriwang ng mga tao dahil walang utos ng pag-atake silang narinig.

Kinagabihan ay nasira na ang remote transmitter na gamit ng Veritas, saglit lang itong nawala sa ere at nang bumalik ay nasa ibang radio frequency na at Radyo Bandido na ang ibinabandong pangalan ng kanilang programa. Ang mga anchor dito ay ang mag-asawang June Keithly at Angelo Castro Jr.

Nagtatawanan kami ng mga kaibigan kong “intel” na nasa gilid ng Camp Crame. Pilit kasing kinakapa ng mga kalaban kung saan nagbo-broadcast ang Radio Bandido ngunit nabigo silang ma-locate ito. Ang ‘di nila alam ay halos dalawang kilometro lang ang layo ng broadcast site ng Radyo Bandido mula sa Malacañang -- sa gusali at radio station ng DZRJ sa may Sta. Mesa, Maynila na pag-aari ng pamilya ng rocker na si Ramon “RJ” Jacinto.

Ang siste rito, bago sila makarating sa ikalimang palapag ng gusali, sa radio booth nina Keithley at Castro, ay kinakailangang hawiin muna nila ang mga madreng nakaharang sa bawat baitang ng hagdanan, na handang isakripisyo ang kanilang buhay para sa dalawang broadcaster.