“ANG sinabi ni Duterte ay may positibo at negatibong laman, pormal o biro. Pero mas mabuti na ito kaysa galit at malupit,” wika ni Communist Party of the Philippines Jose Maria Sison, sa online interview sa kanya sa Ultrech, Netherlands nitong Miyerkules. Ito ang naging reaksiyon niya sa sinabi sa kanya ng Pangulo sa talumpati nito sa ika-9 na anibersaryo ng Mindanao Development Authority sa Davao City. Wika ng Pangulo, “Bago siya pumunta sa dako roon, magkaroon siya ng oras para makipag-usap hinggil sa sensible peace.” Kaya kay Sison, ito ay malamyang pananakot, o kaya, nagsasabi lang siya ng katotohanan na bawat isa ay may limitadong oras.”
Una rito, inanunsiyo ni Fidel Agcaoili, chairman ng National Democratic Front Philippines (NDFP), na bukas ang kanilang grupo sa pakikipag-usap muli sa gobyerno hinggil sa kapayapaan nang walang kondisyon. Ang NDFP ay umbrella group ng lahat mga underground communist organization at si Agcaoili ang peace negotiator nito. “Sa palagay ko ay nakapagsalita si Atty. Agcaoili. Babalik siya at sinabihan ko ang military at pulis na hayaan siyang makagalaw. Yaman din lang na naghintay kami sa tamang panahon para magusap ukol sa kapayapaan. Hindi naman ako ganoong kalupit,” sabi ng Pangulo.
Malayo na ang narating ng naumpisahang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at gobyerno, sa ilalim ni Pangulong Duterte. Tumigil ito nang tatalakayin na ng mga peace negotiators ng magkabilang panig ang comprehensive social and economic reforms. Ang mapapagkasunduan sana rito, ayon sa NDFP, ay magwawakas sa pinakaugat ng kaguluhan sa bansa. Kasi, ang layunin ng mga repormang isusulong ay magpapaunlad sa kabuhayan ng mamamayan at malulunasan ang kanilang kahirapan. Napapanahon na buksan agad ang pag-uusap, upang matalakay ang mahalagang aspeto ng social at economic program.
Ang iniulat noon na pangunahin sa mga isyung nakatakala ng pag-usapan ay ang reporma sa lupa at makabayang industriyalisasyon. Kaya ko nasabing napapanahon ang pagbubukas ng negosasyon at madali ang pagtalakay ng mga isyu dahil nga dito sa mga hakbang ng adminstrasyon ngayon na paiiralin na at minamadaling ipatupad. Aarangkada na ang Rice Tariffication Law, at nag-utos ang Pangulo na bilisan ang pagpapairal ng land conversion. Ikinagalit ng Pangulo ang mabagal na aksiyon ng Department of Agrarian Reform sa mga application para sa land conversion. May mahigit 70 aplikasyon na nakabimbin ngayon na humihiling na gamitin ang agricultural land para sa layuning residential, commercial at industrial.
Ang mga hakbanging ito na pagbukas ng bansa sa malayang pagpasok ng mga banyagang bigas at gawin ang agricultural land na residential, industrial at commercial ay hindi makabubuti sa pagpapairal ng tunay na reporma sa lupa na siyang magpapasagana sa pagkain ng mamamayan. Hindi ito ang wawasak sa kahirapan, katunayang nga, palulubhain pa ito. Totoo, mapupuno ng imported rice ang mga pamilihan, kung kaya ng mamamayan ang presyo, problema na naman ito. Ang higit na problema ay mawawalan na ng gana ang mga magsasaka na magsaka dahil inagawan na sila ng puwesto sa mga pamilihan ng mga inangkat na bigas. Sa halip na ang salapi ng bayan ay ginagamit para sa kanila, ang binubuhay nito ay mga dayuhang magsasaka. Ang land conversion naman ang magpapakipot ng mga nararapat na taniman ng palay at iba pang pagkukunan ng makakain. Kung magkasundo man ang NDFP at gobyerno sa nilalayon nitong kapayapaan, dadaan muna ito sa butas ng karayom.
-Ric Valmonte