NAGPAHAYAG ng kahandaan ang Department of Energy (DoE) na suportahan ang programang pang-imprastruktura ng pamahalaan, ang “Build, Build, Build,” ngunit nangangamba naman ang mga stakeholders na malaki ang magiging epekto ng programa sa supply ng enerhiya sa bansa.
Ayon sa DoE, mangangailangan ang bansa ng dagdag na 43,765 megawatts na kuryente sa taong 2040, upang mapunan ang tumaas na power demand habang patuloy ding lumalago ang ekonomiya ng bansa, kasabay ang pagangailangan para sa malawakang programang pang-imprastruktura. Upang makamit ang hangaring ito, kinakailangan ang hindi bababa sa 7,000 dagdag na megawatts ng generation capacity sa susunod na limang taon.
Gugugol ng limang taon upang makapaglabas ng enerhiya ang bagong power generation program. Nangangahulugan ito na anumang desisyon ng pamumuhunan, upang makalikha ng dagdag na 7,000 megawatt ng kuryente na kakailanganin sa susunod na limang taon, ay kinakailangan ng maisakatuparan ngayon.
Bilang isa sa may pinakamabilis na lumalagong ekonomiya sa mundo sa kasalukuyan, kinakailangan ng Pilipinas na doblehin ang power generation capacity bago ang taong 2030. Upang makamit ito, kinakailangang ikonsidera ng pamahalaan ang pagpapalit o pag-a-upgrade ng mga lumang planta ng kuryente.
Sinabi ng Industry sources na nasa 33 porsiyento ng kasalukuyang kapasidad ng bansa ay nagmumula sa mga planta ng kuryente na mahigit 20 taon nang tumatakbo, samakatuwid malapit na ang mga ito sa kanilang 25 taong lifespan. Nasa 60% ng mga plantang ito ang tumatakbo na ng mahigit sa 15 taon ngayon.
Kontra rin ang ilang makakaliwang grupo sa pag-aapruba ng Power Supply Agreements na nakabimbin sa Energy Regulatory Commission (ERC). Ito ang nagiging balakid sa pagtatayo ng mga bagong planta.
Inaasahang kikilalanin ang programang “Build, Build, Build” bilang isa sa mga pangunahing napagtagumpayan ng administrasyong Duterte, at bilang paghahanda dito, kinakailangan nang maipasa ang malaking pondo. Ipinag-utos na rin ng Pangulo sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang pagsasanay ng mas maraming skilled construction workers na kakailangan sa programa.
Habang patuloy na umuusad ang programang pang-imprastruktura sa mga susunod na taon, maaasahan na rin ang pagtaas ng pangangailangan sa kuryente—para sa pagtatayo at kalaunan ay para sa operasyon na ng mga bagong imprastruktura. Kaya naman ngayon pa lamang ay dapat nang masimulan ang pagpaplano para sa inaasahang pagtaas sa pangangailangan ng kuryente, para sa seguridad ng enerhiya at para sa paglago ng ekonomiya ng bansa