BAHAGI na ng kasaysayan ng Pilipinas ang EDSA People Power Revolution, na ginugunita ng ating mga kababayan, lalo na ng mga may sense of history, tuwing ika-22 hanggang 25 ng Pebrero. Ang EDSA Revolution ay naiibang bahagi ng kasaysayan sapagkat ipinakita noon ng mga Pilipino sa mata ng daigdig ang pagpapabagsak sa 20 taong panunupil ng rehimang Marcos. Ang naging mga sandata ng mga Pilipino noon ay pagkakaisa, dasal, imahen ng Mahal na Birhen, at mga bulaklak na itinapat sa bibig ng mga baril ng mga sundalo. At sa pagbagsak ng diktaduryang Marcos, naibalik ang Demokrasya at Kalayaan ng Pilipinas.
Sa EDSA Revolution, nagkaisa ang mga Pilipino. Ito ang naghatid sa kanila sa kadakilaan at matibay na pananampalatayang Kristiyano. Maihahambing ang EDSA Revolution sa kislap ng liwanag sa madilim na bahagi ng kasaysayan ng ating bansa, na lumagot sa tanikala ng panunupil ng isang eletistang diktador. Ngunit ang nakalulungkot, ang kislap ng liwanag ay hindi nagliyab at naglagablab sa mga inaasahang pagbabago sa gobyerno at lipunan. Isa na sanang magandang pagkakataon. Nabigo ang sambayanang Pilipino sapagkat katulad din ng pinatalsik na diktador ang mga humalili sa kapangyarihan.
Sa pagbabalik-tanaw sa kasaysayan, ang EDSA Revolution ay nagsimula noong Pebrero 22, 1986 nang sina dating AFP Vice Chief of Staff Fidel V. Ramos (naging Pangulo ng Pilipinas) at dating National Defense Secretary Juan Ponce Enrile (senador ngayon) ay nagkaisang nag-defect o humiwalay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos. Ang dalawa’y nagkanlong sa Camp Crame, kasama ang 200 sundalo, kabilang si Col. Gringo Honasan na alalay noon ni Enrile.
Sa ginawa nina Ramos at Enrile, matindi ang pangamba ng sambayanang Pilipino sa maaaring mangyari sa Pilipinas. At sa panawagan ni Jaime Cardinal Sin sa radyo at telebisyon, dumagsa sa EDSA ang halos lahat ng sektor ng lipunang Pilipino. Walang nagawa ang mga tangke at baril ng mga sundalo sa batalyon ng mga taong nagdasal noon.
Nangibabaw ang tagumpay ng sambayanang Pilipino. Naitaboy ang diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos. Tumakas at nagtungo sa Hawaii, kasama ang pamilya at ilang tuta sa gabinete. Sa Hawaii na rin namatay ang diktador. Naibalik ang bangkay sa Pilipinas makalipas ang ilang taon. Inilagak sa isang refrigerated crypt sa Batac, Ilocos Norte. Bumilang ng taon bago nailibing sa Libingan ng mga Bayani, na may basbas ng rehimeng Duterte. Katwiran: naging kawal at pangulo ng bansa ang diktador.
Ang EDSA Revolution ay sagisag ng pagbabalik ng Kalayaan at Demokrasya ng sambayanang Pilipino, na sinupil ng isang diktador. Ang EDSA Revolution ay kahanga-hangang kontribusyon ng Pilipinas sa bokabularyo ng Himagsikan. Ang katuparan at tagumpay ng mga Pilipino laban sa diktaduryang Marcos. Sa pagbagsak ng diktaduryang Marcos, walang dugong dumanak at walang nautas, na bahagi na ng Himagsikan.
May paniwalang ang mitsa ng EDSA Revolution ay pagyurak at paglapastangan sa mga karapatan ng mamamayan. Matitiis ng mga tao ang katiwalian, ngunit ang pag-insulto sa kanilang dignidad ay hindi nila palalampasin. Sa pagkawala noon ng kapangyarihan at karapatan ng mamamayan, naramdaman ng mga Pilipino na ang kanilang dignidad na mismo ang niyurakan.
Ngayong 2019 ay tatlong dekada na ang nakalipas nang maganap ang EDSA Revolution. Ang ika-25 ng Pebrero ay non-working holiday sa buong bansa, marami pa rin sa ating mga kababayan ay may iba-ibang pananaw sa EDSA Revolution. Ngunit anuman ang kanilang maging pananaw, hindi dapat ito malimot sapagkat nagtampok sa pagkilos ng mamamayan laban sa isang mapaniil na domestic elite o piling uri.
-Clemen Bautista