Sugatan ang dalawang pulis, na kasama ng umano’y drug pusher na may bitbit na P2.9-milyon shabu, nang makipagbarilan sa mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa buy-bust operation sa Pasig City, nitong Huwebes ng hapon.

PULIS VS PDEA

Sa ulat, duguan sina PO2 Marlou Roldan at PO2 Mark Vista nang makipagbarilan sa mga tauhan ng PDEA-NCR sa isang gasolinahan sa San Guillermo Avenue sa Barangay Buting, Pasig City nitong Biyernes, bandang 4:35 ng hapon.

Si Roldan ay nakatalaga sa Pasig City Police Community Precinct 9, habang si Vista ay sa EPD Special Operations Unit.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nagsasagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng PDEA laban kay Raymund Ryan Cruz, 35, base sa ulat.

Si Cruz ay iniulat na sinamahan nina Roldan at Vista sa operasyon, ngunit hindi alam ng PDEA agents na ang dalawa ay pulis.

Sa gitna ng putukan, tinamaan si Roldan ng bala at inaresto. Isinugod siya sa East Avenue Medical Center upang lapatan ng lunas, dagdag sa ulat.

Nakuha kay Roldan ang kanyang service firearm, motorsiklo at siyam na pakete ng hinihinalang shabu.

Napag-alaman na si Roldan ay unang nakatalaga sa Pasig City Police Station Drug Enforcement Unit at inilipat sa PCP 9 noong nakaraang buwan.

Samantala, si Vista, na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan, ay tumakas at kalaunan ay natunton matapos na humingi ng medical assistance sa Rizal Medical Center sa Pasig City.

Kaugnay nito, nadakip naman ng anti-narcotic operatives si Cruz at narekober ang 430 gramo ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P2.9 milyon.

HEPE, SINIBAK

Kinumpirma ni Senior Supt. Rizalito Gapas, Pasig City Police chief, sa BALITA na sinibak na niya si Police Insp. Edward Olmedo, ang station commander ng City Police Community Precinct (PCP) 9, dahil sa umano’y pagkakasangkot ng isa sa mga tauhan nito sa illegal drug activity.

"Ni-relieved ko na ang PCP 9 commander pending [the result of the] investigation," sabi ni Gapas.

"Rest assured that the Pasig Police will not tolerate its peers who are engaged in illegal activity," dagdag niya.

Jhon Aldrin Casinas