SA ika-33 taon nang paggunita sa 1986 People Power EDSA Revolution ngayong araw, ay lumabas na ng todo ang pagkainggit ko sa mga kaibigang nakapagtabi ng kani-kanilang “Recuerdo” mula sa makasaysayang pagpapatalsik ng diktaturyang rehimen gamit lamang pagkakapit-bisig, rosaryo at panalangin.
Nang minsan kasing magkakuwentuhan kami ng mga kasama sa hanapbuhay bilang mga mamamahayag, at ilang barkadang dating mga aktibong pulis at sundalo, ay nagpayabangan at nagbanggitan – ‘yung iba pa nga ay naipakita pa agad ang mga larawan nang naitabi nilang “recuerdo” o mga bagay na nagpapaalala sa pagiging bahagi nila sa “bloodless revolution” na hinangaan sa buong mundo, at ginaya pa nga ng ibang bansa, upang makamtan ang kanilang kalayaan.
Tatlo ang labis kong pinanghihinayangan na mga “recuerdo” mula sa 1986 People Power Revolution, kaya’t tuwing sasapit ang pag-alaala rito mula Pebrero 22 hanggang 25, ay ‘di ko mapigil na maging “senti” at mapatigalgal nang matagal.
Ang una rito ay ang kapirasong tela na may drawing ng watawat ng Pilipinas na ipinamahagi sa mga mamamahayag na labas-pasok sa Camp Crame at Camp Aguinaldo bilang “counter sign”, na marahil sa sobrang antok at pagod, ay naiwan ko sa sinakyang taxi nang pauwi na ako sa bahay sa Tundo.
Ang ikalawa ay ang tanging larawan ko sa EDSA na napitikan akong nakatayong mag-isa sa gitna ng mga higanteng tangke ng Marines na nakahimpil sa lugar ngayon ng Robinsons Galleria. Ang larawan ay ibinigay sa akin ni Munir Janarral, kaibigan kong mamamahayag na naka-base sa Mindanao, pero lumuwas sa Maynila upang i-dokumento sa pamamagitan ng kanyang mga camera ang nagaganap ng rebolusyon sa EDSA. Ang nag-iisang kopya ko nito ay “hiniram” ng ‘di ko na matandang crew ng Kapuso Mo, Jessica Sojo para sa isang special report noong 15th EDSA People Power anniversary at hindi na ito naibalik muli sa akin.
Pero ang iniiyakan ko talaga ay ang pagkawala ng lahat ng “negative” ng mga larawang kuha ko, mula sa kampanya sa “Snap Election” hanggang sa apat na araw na People Power Revolution, na mga nagamit sa pahayagang pinagsusulatan ko noon, ang bagong revive na Manila Times.
Isang empleyado kasi sa Oriental Photography Shop sa Escolta, “Manong Tony” ang tawag ko sa kanya, na suking taga-print naming magbabarkadang taga-media, ang umako na ipi-print niya ng “8 x 10 na black & white” sa kanyang “dark room” sa bahay ang mga negative sa napakamurang halaga lamang. Ang problema, bigla siyang nag-abroad at ‘di na nagpakita. Pati na ang aking “recuerdo” na isang kahon na mga negatives ay nawalang parang bula!
Kaya nga sobrang inggit ako sa lodi kong si Sonny Camarillo – isang beterano at napakahusay na photog o maniniyut -- dahil halos taun-taon, tuwing anniversary ng 1986 People Power sa EDSA, ay todong magarbo ang kanyang “Photo Exhibit” ng mga magaganda niyang kuha sa mapayapang rebolusyon.
At mas lalo akong nag-senti nang matanggap ko ang personal message na ito ni Lodi Sonny: “Mga kaibigan, kayo ay malugod kong iniimbitahan sa pagbubukas ng aking ika-27 na pagtatanghal ng naipon kong mga imahe, na nagsasalarawan ng ating kasaysayan mula sa panahon ng dating Pangulong Marcos, at mga makulay na pagbabago sa ating bayan. Kayo ang humusga base sa pagtatanghal na ito, kung ang ginagawa ng mga pulitiko na iniluklok natin, ay mayroon saysay tungo sa pagbabago, ikauunlad, at ikagiginhawa ng sambayanang Pilipino. Pumasyal kayo simula ngayon, Pebrero 22 2019 ika-3:00 ng hapon sa U.P. Town Center, Ayala Land Malls, Katipunan Ave. Balara, Quezon City. Mabuhay!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.