KARANIWANG inihahambing ang halalang Pinoy sa isang circus. Sa garbo at karangyaang itinatanghal ng mga kandidato sa araw ng paghahain ng kanilang Certificates of Cabdidacy, hindi aakalaing mauuwi ito sa mararahas na kumprontasyon at batuhan ng putik pagkaraan lamang ng ilang linggo.

Mas nakaaalarma ang kung paano tinatanaw ng mga tagamasid ang halalan lalo na sa social media. Ang mga millennial, na bumubuo sa mahigit isang-katlong bahagi ng mga rehistradong botante, ay parang itinuturing lang na walang halaga at biro lamang ang mga seryosong isyu na madalas ay laman ng mga text messages nila, na nagiging walang katuturang kasangkapan sa panlilinlang sa iba mula sa tunay nilang kahulugan at tuloy ay nabababoy ang demokratikong halalan.

Hindi kailangang nagtapos sa pamantasan upang malaman na marahas na itinutulak sa bangin ang halalan sa Pilipinas. Sa halip na suportahan at piliin ang mga taong nagtataglay ng galing, talino, katapatan sa pangako at husay sa pamamahala upang maiahon tayo sa kahirapan, ibinabandila nila ang pamilyar na mga mukha na bahagi ng kanilang katanyagan, ang pagkakasangkot sa mga usaping lihis sa moralidad.

Lalong nakapanghihilakbot na ipinagyayabang pa ang ilang kandidato bilang mga tagapagligtas at bayani sa kabila ng kabatiran ng publiko na sangkot sila sa paglabag sa batas na lalong nagpapababa sa ating halalan. Hindi lamang tinaguriang mga mandarambong ang ilan na gumamit pa ng baluktot na mga argumento upang bigyang-katwiran ang kanilang mga alyansahang daynastiko.

Narito na naman ang magulong circus. Naging malikhain ang mga pulitiko sa paggamit ng mga kasangkapan na nakapanlilinlang sa mga botante. Mapagmataas pa ang ilan at nilapastangan ang Saligang Batas. Hindi lamang nababaluktot na circus ang mahahalang isyu kundi isinusulong nito ang karahasan, pagkakahati-hati, at pagluray sa ating demokrasya. Dapat tayong matutong pumili ng mga kandidato na magaling at marangal ang hangarin.

Mahigit 30 taon na nang mabuo ang Kongreso natin ng tunay na mararangal at mahuhusay na mga kasapi. Ngayon, kinikilala ang mga kandidato sa pinapanigan nilang kulay na ‘tila ba ginagawa silang espesyal. Gusto pa tayong paniwalain na ang mga ‘political dynasty’ ang lunas sa mga kahinaan ng ating lipunan at ekonomiya.

Nakalulungkot na ginawang normal na ng mga pulitiko ang ‘walang pakialam’ sa pag-iwas sa batas panghalalan. Madali nila itong nagagawa at ‘tila wala ring magawa ang Commission on Elections (Comelec). Ang pagkunsinte ng publiko sa mga ito ay lumilikha lamang ng balakid sa pagpili ng mga karapat-dapat na lingkod-bayan na tunay nating kailangan.

-Johnny Dayang