“HINDI makokontrol ng batas ang pandaigdigang presyo ng bigas o masawata ang posibleng pagmamanipula ng presyo ng bigas at maaaring tumaas ito depende sa kondisyon ng produksyon ng mga banyagang bansang nagbebenta ng bigas,” wika ng economic research group ng Ibon Foundation. Kaya, aniya, mura ang bigas sa Vietnam at Thailand dahil binibigyan nila ng subsidy at insentibo ang produksyon ng kanilang magsasaka. Pero, sila ang magpapasiya kung ipagbabawal nila ang exportasyon ng bigas kung higit nila itong kailangan. Kaya hindi nila matutugunan ang pangangailangan ng bansa ng murang bigas. Ayon sa Ibon, inutil ang Rice Tarrification Law. Hindi raw ito maaasahan sa pagpapaunlad ng produksyon ng bigas, mapababa ang presyo nito o masisigurong matutustusan ang pangangailangan ng bansa.
Paano ipinapanukala ng Rice Tarrification Law na malulutas ang kasalukuyang problema ng bansa hinggil sa kakulangan ng bigas at mahal na halaga nito? Import Liberalization. Bubuksan ang ating bansa para pumasok ang mga bigas ng mga dayuhang bansa. Ang lahat ng may kapasidad para umangkat ng bigas ay malaya nang gawin ito. Dahil walang limitasyong itinakda ang batas hinggil sa rami ng maaangkat, babaha ng bigas ang bansa. Ang ipinagmamalaki ng mga mambabatas na nagpasa ng Rice Tarrification Law, sa masidhing udyok ni Pangulong Duterte, ay kikita ang gobyerno ng 11 bilyong piso sa unang taon ng implementasyon nito. Magbubuhat ito sa buwis na babayaran ng mga mag-aangkat ng bigas. Kung ang bigas ay aangkatin sa mga miyembro ng ASEAN countries, 35 porsyento ang ipapataw na buwis, samantalang 50 porsyento naman sa mga ibang bansa. Ang 10 bilyong piso ng 11 bilyong pisong kikitain ng gobyerno, ayon sa batas, ay gagawing pondo ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o Rice Fund na siyang pantulong sa mga magsasaka.
Kung ikakawing mo ang Rice Tarrification Law sa land conversion na ninanais ng Pangulo, lalong hindi malulutas ng administrasyong Duterte ang problema ng bansa sa bigas. Palulubhain lamang ng mga hakbang na ito ang kakulangan ng bigas at mataas na presyo nito. Noong Pebrero 6, nagalit at nadismaya ang Pangulo sa kanyang Gabinete. Pagkatapos ng 30 minutong pagbulalas ng kanyang galit, iniwan niya ang pulong. Ikinagalit ng Pangulo ang mabagal na pagpapairal ng land conversion ng Department of Agrarian Reform (DAR). Nais ng Pangulo na madaliin ang land conversion ng agricultural land sa residential, industrial at commercial use. Para sa layuning ito, pinaluwag ang mga patakaran sa mga mag-aapply para sa land conversion. Ang mga aplikante ay hindi na kailangang kumuha ng mga dokumento sa Housing and Land Use Regulatory Board at Department of Agriculture (DA) na siyang itinatadhana ng Comprehensive Rules on Land Use Conversion na inisyu noong 2002. Tatapusin na ito sa loob ng 30 araw mula sa pagsumite ng application, sa halip na 120 araw na itinatakda ng comprehensive rules. Ang epekto nito, liliit ang lupang pang-agrikultura para taniman ng palay. Hindi makatotohanan ang ipinangangalandakan ng Pangulo na tunay na reporma sa lupa sa ilalim ng kanyang pamumuno. Magkaroon man ng reporma, hindi nito magagawang maging masagana ang bansa sa bigas na inani ng ating magsasaka. Hindi rin nito mapapaunlad ang kanilang kabuhayan. Ang bunga ng Rice Tarrification Law at land conversion ay kabaligtaran ng idudulot ng tunay na reporma sa lupa. Bukod sa babaha ang bansa ng mga banyagang bigas, liliit ang sakop ng pagtataniman ng palay na magbibigay ng kita at pagkain sa ating mga magsasaka
-Ric Valmonte