INIHAYAG ngayong linggo ng dalawang concessionaries ng Metropolitan Waterworks and Sewage System (MWSS) ang kanilang mga programa at plano para malinis ang wastewater sa Metro Manila bilang bahagi ng isinasagawang rehabilitasyon ng Manila Bay.
Nang ilunsad ng pamahalaan ang Manila Bay clean-up project, matapos ang muling pagbubukas ng Boracay para sa mga turista matapos na isara ng anim na buwan noong Mayo ng nakaraang taon, binigyang-diin ni dating Manila mayor Lito Atienza na ang Manila Bay, na naging isang “giant septic tank”, ay problemang daang beses na mas malala kumpara sa “cesspool” ng Boracay. Aniya, ang dalawang water concessionaries ng MWSS ang dapat na nagpapatakbo ng mga planta, upang malinis ang lahat ng wastewater sa Metro Manila na dumadaloy patungo sa look.
Nitong nakaraang Lunes, ipinaalam ng Manila Water, na nag-o-operate sa silangang bahagi ng Metro Manila, ang P115 bilyong plano para sa susunod na 19 na taon. Sa simula ng concession nito noong 1997, sinabi ng Manila Water na isang sewage treatment plant lamang ang kanilang magagamit. Nakapaglaan na ito ng P33 bilyon sa nakalipas na 21 taon upang mapataas ang bilang ng planta sa 38 bago matapos ang 2018.
Marami ang kinakailangang gawin, sinabi ng Manila Water, lalo’t ang 38 sewage treatment plant ay may kapasidad lamang na 310 milyon litro kada araw. Mangangailangan ng mahabang panahon ang “full coverage” kaya P115 billion ang kinakailangang ilaan para sa mas maraming planta hanggang 2037, na isasagawa sa tatlong bahagi. Sa taong 2037, anila, inaasahang 99 na porsiyento ang masasakop sa kabuuang 53 treatment plant.
Ang isa pang Metro Manila water concessionaries, ang Manila Water Services (Maynilad), ang sumasakop naman sa kanlurang bahagi ng Metro Manila kasama ng ilang mga bayan at lungsod sa Cavite. Sinasabing naglaan na ito ng P23.3 bilyon upang mapaganda ang mga wastewater infrastructure at maglalaan ng nasa P11.4 bilyon ngayong taon.
Nang matapos ni Secretary Roy Cimatu, ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang rehabilitasyon ng Boracay sa loob ng anim na buwan, sinabi niyang aabutin ng pitong taon ang rehabiliitasyon ng Manila Bay. Ang Manila Bay ay daang beses na mas malaki kaysa katubigan ng Boracay at ang polusyon dito ay hindi lamang sa Metro Manila; nanggagaling ito sa lahat ng mga bayan at siyudad ng mga probinsiya na nasa paligid ng Manila Bay—Bataan, Pampanga, Bulacan at Cavite.
Gayunman, tila mas mahabang panahon ang magugugol kumpara sa orihinal na pagtataya na pitong taon. Ang basura na manaka-nakang nakokolekta ng iba’t ibang grupo sa baybayin ng Manila Bay sa kahabaan ng Roxas Blvd. ay maliit lamang na bahagi ng problema. Ang malaking parte nito ay ang duming nagmumula sa daang libong bahay patungo sa mga sapa sa lugar, na dumadaloy patungong Ilog Pasig at sa ilang mga kanal, na napupunta sa Manila Bay.
Sa pag-anunsiyo nito ng kanilang plano, sinabi ng Manila Water na inaasahan nitong mapupunan ang 99% ng kabuuan nitong sakop sa taong 2037. Habang 100% naman ang inaasahan ng Maynilad pagdating ng 2037. Ito ay 18 taon simula ngayon.
Ngunit dapat nating ikalugod ang katotohanang nagsisimula na tayo ngayong taon. Maaaring sa mga susunod na taon, ilang mga proyekto ang dapat na maipatupad upang mapabilis ang rehabilitasyon ng Manila Bay.