HANDA na ba kayo?

Siguradong magkakabuhul-buhol na naman ang trapik ngayong araw dahil sa ikinasang homecoming parade na inilatag para kay 2018 Miss Universe Catriona Gray.

Simula 2:00 ngayong hapon ay ipatutupad sa ilang lugar ang stop-and-go traffic upang malayang makaraan ang convoy ni Binibining Cat sa ilang lansangan sa Pasay City, Manila at Makati.

Magsisimula ang convoy sa Sofitel Hotel sa Pasay City at daraan ito sa mga sumusunod na lansangan: J.W. Diokno Boulevard, Atang Dela Rama,Vicente Sotto Street, Roxas Boulevard, T. M. Kalaw Avenue, Taft Avenue, Buendia Avenue at Ayala Avenue.

Mahigit sa 200 traffic constable ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ipakakalat sa ruta ng parada. Naghayag na rin ng babala ang MMDA laban sa mga nakaparadang sasakyan sa hindi awtorisadong lugar.

Huwag na kayong magpilit at tiyak na hahatakin ang inyong kotse kapag nagmatigas kayong iparada ito sa ‘no parking zone.’

Subalit naaalala n’yo pa ba ang situwasyon ng trapik sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila nitong mga nakaraang araw? Umaga, hapon at gabi ay gumagapang ang mga sasakyan sa EDSA at iba pang mga pangunahing lugar tulad ng C-5 Road at Roxas Blvd.

Tapos ay sasabayan pa ng ganitong parada.

Teka muna. Bago kayo magalit at magwala nais ko lang bigyang-diin na ako rin ay isang tagahanga ni Bb. Cat dahil nag-uwi siya ng karangalan sa ating bayan.

Tulad ninyo, nais ko ring masilayan ang kakaibang alindog ni Bb. Cat sa personal at kung buwenasin, ay makadaupang-palad ko pa ang Pinay beauty queen.

Subalit alam na natin kung gaano kalala ang sitwasyon ng trapik sa Metro Manila kahit hindi pa idinaraos ang parada para kay Catriona. Siguradong walang galawan na naman ang trapik sa iba’t ibang lugar ng Kalakhang Maynila at marami na namang magmumura sa galit.

Mayroon naman pong ibang paraan para bigyan ng parangal si Catriona na hindi matindi ang maidudulot ng perwisyo sa mga mamamayan.

Bakit hindi na lamang siya mag-mall tour at du’n na lamang siya sasalubungin ng ating mga kababayan. Malamig at kumbinyente sa loob ng mga shopping mall.

Bukod dito, mayroon ding parking lot para sa mga nais pumunta at makita siya nang personal.

Sa ganitong uri ng ‘meet-and-greet’ ay maaaring makatulong ang mga malalaking kumpanya na sumusuporta kay Catriona tulad ng pagbibigay ng mga libreng makakain, inumin at kung posible pa, mga giveaway.

Dapat ay nakikibagay na tayo sa sitwasyon upang hindi tayo nakapeperwisyo.

‘Yun lang!

-Aris Ilagan