SA maraming paraan, palaging tinitingnan ng mga opisyal ng ating pamahalaan ang gobyerno ng United States (US) at sinisilip kung paano ito tumatakbo upang magamit ang natutunan sa lokal na kondisyon at problema. Maaaring tinututukan nila ngayon ang pakikipaglaban ni US President Trump upang makuha ang $5.7 billion mula sa Kongreso ng Amerika na tumangging maglaan ng pondo para sa pader sa pagitan ng Amerika at Mexico.
Unang pagkakataon na hindi nakuha ni Trump ang $5.7 billion para sa pader—isang pangakong kampanya na determinado siyang matupad—pinili niyang tanggihan ang buong budget ng pederal para sa 2019 at bilang resulta, kinailangang magsara ng karamihan ng pederal na pamahalaan ng Amerika nitong Disyembre.
Nagbago ang loob niya makalipas ang halos isang buwan at nagbalik operasyon ang pederal na pamahalaan. Ngunit lumihis ito sa bagong taktika upang makuha ang pondo para sa kanyang pader. Nagdeklara si Trump ng national emergency at kumilos upang makuha ang $5.7 billion mula sa pondo ng US Pentagon na nakalaan sa konstruksiyong pangmilitar, para sa anti-drug fund ng militar at ang drug forfeiture fund ng Treasury Department.
Kinukuwestiyon ngayon sa korte ang deklarasyon niya ng isang “emergency”. Iginigiit ng ilan na walang tunay na “emergency” sa katimugang hangganan ng Amerika. Higit na krusyal sa Kongreso, kabilang ang sariling mga lider ng Republican Party ng pangulo, ay ang palagay na nilabag ni Trump ang Konstitusyon ng US na nakadepende lamang sa Kongreso ang karapatan kung saan nararapat na mapunta ang mga pondo.
Tayo dito sa Pilipinas, ay may katulad na suliranin hinggil sa ating pambansang budget nitong mga nakalipas na buwan. Iginigiit ng isang senador na nagsingit ang mga miyembro ng Kamara de Representantes ng bilyong piso—na umano’y “pork barrel”—para sa mga pampublikong proyekto para sa kanilang mga distrito. Kinontra ito ng mga kongresista at sinabing naglagay ang mga miyembro ng Senado ng kanilang sariling bilyong piso para sa kanilang mga sariling proyekto. Sa huli, isiniwalat ng ilang lider sa Kamara na isang miyembro ng gabinete ni Pangulong Duterte, ang kalihim ng budget and management, na nagsingit ito ng sariling bilyong piso.
Matapos ang palitan ng mga bintang at akusasyon, sa wakas ay naaprubahan na ng bicameral Conference Committee sa Kongreso ang Pambansang Budget.
Humantong ang ating mga opisyal sa isang kasunduan na tunay namang esensiya ng demokratikong pamahalaan. At ang paghahanap ng isang kasunduan ay bahagi ng ating kulturang Asyano bilang mga Pilipino.
Malabong makamit ng mga opisyal ng Amerika ang isang katulad na kasunduan sa kanilang problema sa budget. Ang naging deklarasyon ni Trump ng emergency para lamang maisalin niya ang pondo ng publiko ay kinukuwestiyon na ngayon sa mga korte ng Amerika. Inaasahang aabot ito sa Korte Suprema ng US. Isang legal na desisyon ang tiyak na lulutas sa problemang ito.
Ganito naman dapat ang mangyari, sa pagtingin ng marami, sa gobyerno ng batas at hindi ng tao. Sa kabilang banda, dahil sa ating kahandaan na umangkop at magpalubag loob, isang pangunahing katangian ng ating kulturang Asyano, mabilis nating nareresolba ang ating problema sa budget.
Marahil, darating din ang pagkakataon na magkapagdedesisyon tayo kung anong solusyon ang pinakamainam para sa interes ng bansa.