NAGDULOT ang mga reclamation sa Manila Bay noong dekada ‘70 ng mga ‘di inaasahang matataas na daluyong (storm surges) sa makasaysayang look, na humampas at sumira sa mga naglalakihang bato sa gilid ng Roxas Boulevard, gumiba sa ilang bahagi ng sea wall, nagpabagsak sa mga nagtatayugang puno sa lugar, at nagdala ng baha sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.

Ang mga pag-angil na ito ng kalikasan ay matamang pinag-aralan ng ating mga pantas sa siyensiya, na gaya ni Dr. Kelvin S. Rodolfo, na nangunguna sa mga tumututol sa anumang naka-plano pang “reclamation projects” sa Manila Bay.

Ayon sa pagsasaliksik ng mga eksperto, ang patuloy na pagbabago ng klima (climate change) sa buong mundo ay may malaking epekto sa dati-rati’y maliliit na alon, at pagsagitsit papaitaas ng tubig-alat sa Manila Bay kapag umuulan, lalo pa’t may paparating na malakas na bagyo.

Ang mga naunang “reclaimed areas” sa Manila Bay, na dapat sana’y kabahagi ng proyekto ni dating First Lady Imelda R. Marcos na binansagan nilang “Boulevard 2000” bago pa man bumagsak ang diktaturyang rehimen noong 1986, ay sinasabing nagdadala sa lugar ng mga pagkilos ng kalikasan na unti-unting pumipinsala sa lugar habang dumaraan ang panahon.

Batay sa mga sinuring ulat at video footages ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang mga lugar na nakatakdang “tambakan” sa Manila Bay, ay madalas na nakararanas ng mga daluyong (storm surges) na umabot sa taas na apat na metro. Ang itinatagal ng galaw nito ay idinidikta naman ng lakas ng hangin na dala ng bagyo, at ng pabagu-bagong oras ng pagkati ng tubig-dagat (high at low tide) sa lugar.

Ang pinsalang magagawa ng mga daluyong (storm surges) ay pinalalaki naman ng mga higanteng alon - na nabubuo habang papasok ito sa aplaya ng “reclaimed areas”-- sa paghampas nito sa lahat ng istruktura sa daraanan. Idagdag pa rito ang mga malalaki at matitigas na bagay na nakasakay rito, na animo bomba na sumasabog kapag ipinupukol ng nagngangalit na hanging dala ng bagyo.

Ani Doc Kelvin: “It is shocking that major reclamation is even being considered, because we do not even have sufficient wave data with which to design shoreline structures.”

Ang labis na pinangangambahan ng grupo nina Doc Kelvin ay ang tinatawag nilang “liquefaction” – ang pagiging likido ng matigas at solidong bahagi sa ilalim ng lupa na kinatatayuan ng mga pundasyon ng istruktura sa ibabaw ng “reclaimed areas” sa Manila Bay – na siguradong magaganap kapag nagkaroon ng malakas na lindol sa Metro Manila.

Sa paliwanag ng mga eksperto, ‘di malayong maganap ang phenomenon na ito sa “reclaimed areas” sa Manila Bay, na magiging dahilan ng paglubog ng lupa at pagguho ng mga gusali, lalo pa nga’t lumalabas na kulang sa malalim na pagsasaliksik at pag-aaral hinggil sa proyektong ito ang mga ahensiya ng pamahalaan na may hawak dito.

Kapag nangyari ito, tiyak ang kapahamakan at siguradong maraming kababayan natin ang magbubuwis ng buhay. Sa mga maitatayong matataas na gusali at mga higanteng mall sa “reclaimed areas”, ang “Pearl Harbor City” ng mga negosyanteng Tsino ang mapapaboran sa multi-billion na proyektong ito.

Ang nakapagdududa kasi rito ay ang motibo ng inilabas na Executive Order 74, na inililipat sa Office of the President (OP) ang Philippine Reclamation Authority (PRA), at ang pagtanggal sa National Economic Development Authority (NEDA) sa proyekto, sa gitna ng protesta laban sa mga “reclamation project” na hawak ng dalawang tanggapan.

Uulitin ko ang pangambang ito ni Doc Kelvin: “Today, it seems that science is again being blithely ignored by the financial interests and government authorities promoting the various reclamation projects. Will we never learn?”

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.