SA mediacon ng pelikulang Familia Blondina, inihayag ng bidang si Karla Estrada na 16 years old pa lang siya nang magsimula sa showbiz.
Bagamat Ford ang totoo niyang apelyido, si Mother Lily Monteverde raw ang nagbigay sa kanya ng family screen name na Estrada. Ito ay nang maging member siya ng That’s Entertainment at ipinakilala bilang isa sa mga bida ng First Time… Like A Virgin, ang 1992 movie ng Regal Films na pinagbidahan nila noon nina Jackie Forster, Sunshine Cruz, at Shirley Fuentes.
Subalit may nakakatuwang rebelasyon si Karla. Noong nagsisimula pa lang ang kanyang acting career ay natsismis na dati siyang lalaki na naging babae dahil sumailalim sa sex-change operation. Kumalat at pinag-usapan nang husto sa buong showbiz ang nasabing intriga tungkol sa kanya.
“Ilan dito ang nagsabi na nagpaopera ako noong ako ay 16 years old. Na dati akong lalaki, (ganyan) ang mga tsismis,” nakangiting kuwento ni Karla.
Pinagdudahan ang tunay na kasarian niya, dahil noon pa man, expert na siya sa gay lingo.
Samantala, ang Familia Blondina ang unang full-length comedy movie ni Karla, dahil mga special appearance lang ang participation niya sa mga nakaraang pelikula ni Vice Ganda.
Tinanggap ni Karla ang offer ng Arctic Sky Entertainment producer na si Dr. Dennis Aguirre na magbida siya sa Familia Blondina dahil sa kagustuhan niyang makagawa ng comedy film.
“Hindi pa ako nakakagawa ng comedy. Thirty years na ako sa showbiz next year, puro drama lang ako sa hapon, puro drama ang mga pelikula.
“E, sa totoong buhay, talagang sabi nila nakakatawa ako, pero tawang-tawa rin ako minsan sa sarili ko. Siguro mas mai-express ko ‘yung aking sarili kung talagang ilalabas ko na lang ‘yung totoong ako—‘yung talagang nakakatawa.
“Siyempre at 44, parang ini-squeeze ko na rin ‘yung aking kakayahan, ‘yung aking kokonti na lang na kabataan. ‘Yung marami ka pang maikikilos sa pagdating sa pag-arte kasi marami ka pang gustong gawin,” pag-amin ni Queen Momshie.
-ADOR V. SALUTA