Mga Laro Ngayon
(Paco Arena, Manila)
2:00 n.h. -- AMA Online Education vs McDavid
4:00 n.h. -- CEU vs Diliman College-Gerry’s Grill
MAGSISIMULA na ng kanilang kampanya ang AMA Online Education at ang baguhang McDavid sa 2019 PBA D-League sa kanilang pagtutuos ngayong hapon sa Paco Arena sa lungsod ng Manila.
Mataas ang kumpiyansa ng Titans at coach Mark Herrera sa kanyang kasalukuyang line up na pinangungunahan ni top overall pick sa nakaraang draft na si Joshua Munzon kasama sina rookies Kib Montalbo ng La Salle at Troy Rike ng NU.
Nasa roster pa rin ng Titans ang kanilang hardworking forward na si Andre Paras na inaasahang muling mamumuno sa kanilang pagsabak sa unang laro ngayong 2:00 ng hapon.
Bagama’t baguhan ang koponan, pawang beterano naman ang nasa line up ng McDavid ni coach Allen Ricardo na pinamumunuan ng nagbabalik na si Ogie Menor kasama ng mga kapwa ex-pros na sina Jerick Canada, Jason Melano, at James Martinez.
Sa tampok na laban, ganap na 4:00 ng hapon, magtutuos naman ang Centro Escolar University at Diliman College-Gerry’s Grill.
Pangungunahan nina Rich Guinitaran, Pierce Chan, at Keanu Caballero ang Scorpions ni coach Derrick Pumaren kasama ang Senegalese big man na si Maodo Malick Diouf.
Para naman sa UCBL champion Diliman-Gerry’s Grill Blue Dragons ni coach Rensy Bajar, mangunguna sina dating San Beda standouts Jeramer Cabanag at Junjun Bonsubre.
-Marivic Awitan