BINIBISITA ngayon ni Pope Francis ang mga opisina ng United Nations (UN) Food and Agriculture Organization (FAO) na nagdaraos ng sesyon ng namamahalang konseho ng kaugnay nitong organisasyon ang International Fund for Agricultural Development, nang magkomento ito hinggil sa matinding kahirapan sa halos karamihan ng bahagi ng mundo sa kasalukuyan.
“Few have too much and many have little,” aniya. “Many do not have food and are adrift while a few are drowning in the superfluous.” Habang ang antas ng pagpapababa sa matinding kahirapan ay bumabagsak, dagdag niya, ang konsentrasyon ng pagyaman sa kamay ng iilan ay tumataas. “This perverse tendency of inequality is disastrous for the future of humanity.”
Marami ang pinaalalahanan ng ulat mula sa international activist organization na Oxfam, na inilabas sa hatinggabi ng World Economic Forum (WEF) sa Davos, Switzerland, nitong Enero. Ang 26 na pinakamayamang tao sa daigdig, ayon sa Oxfam, ang nagmamay-ari ng katumbas sa kayamanan ng nasa 3.8 bilyong tao na bumubuo sa pinakamamahirap ng sangkatauhan.
Nagpatuloy ang World Economic Forum sa nakasanayan nitong pagpupulong hinggil sa iba’t ibang isyu na nakaaapekto sa paglago ng ekonomiya ng mundo, katulad ng trade war sa pagitan ng United States at China at ang kawalang-tatag ng pandaigdigang presyo ng langis. Ang mga delegado ng WEF, katulad ng inaasahan, ay mga business leaders, ekonomista at mga pulitikal na lider ng iba’t ibang bansa at natural lamang na nakatuon sa nanganganib na isyu katulad ng trade wars at walang katiyakang presyo ng langis. Binalewala ng ulat ng Oxfam ang pormal na atensiyon ng pandaigdigang forum.
Maihahalintulad, inaasahan natin na ang mga komento ni Pope Francis sa matinding kahirapan sa FAO sa Roma ay hindi lilikha ng malaking atensiyon at interes, lalo na mula sa mga pulitikal at ekonomikal na lider ng mundo. May sarili silang problema na tinatalakay. Nakikipaglaban ang Italy sa utang nito sa ekonomiya. Nahaharap ang United Kingdom sa pag-alis mula sa European Union nang walang tiyak na matatag na kasunduan. Hindi pa nakakamit ng US at China ang anumang matibay na kasunduan sa kanilang trade war na nakaaapekto na sa halos lahat ng mga bansa, kabilang ang Pilipinas.
Sa harap ng matinding bugso ng mga pambansang suliranin, hindi dapat kondenahin ang mga bansa at ang mga lider nito kung maliit lamang o wala itong aksiyon hinggil sa problema ng mundo bilang kabuuan---hinggil sa datos na 96 na porsiyento ng nasa matinding kahirapan sa mundo ngayon ang nasa Timog Asya, Sub-Saharan Africa, Kanluran Indies, Silangang Asya, at sa Pasipiko. Ang Pilipinas ay bahagi ng grupo ng mga bansang ito.
Ang pahayag ng Santo Papa hinggil sa sitwasyon ng matinding kahirapan sa karamihan ng mga bansa sa mundo ngayon, ay tila isang panawagan ng konsensiya na nagpapaalala sa mga pulitikal na lider ng mundo na habang may sarili silang hinaharap na malalaking suliranin, hindi dapat balewalain ang problemang ito ng maliliit na tao ng mundo.
Gayunman, anu’t ano pa man, kinakailangang ang mga indibiduwal na lider ng kanya-kanyang bansa ang dapat na umaksiyon hinggil sa problema ng matinding kahirapan sa kanilang sariling lupain. Tayo rito sa Pilipinas ay dapat na umaksiyon sa ganitong problema sa sulok na ito ng mundo.
Makalipas ang tatlong taong malawakang kampanya laban sa ilegal na droga, sa krimen, sa kurapsiyon, sa pandarambong, dapat nating makita ang taong ito bilang pagsisimula ng isang ekonomiyang pag-unlad na nakatuon sa imprastruktura at agrikultura, na dapat na makatulong upang humupa ang problema ng kahirapan sa ating bansa.