ANG isa sa mga panukala ng administrasyong Duterte na maipasa ng Kongreso ay buksan ang bansa sa mga banyagang bigas upang maiwasan ang kakulangan at pagmahal ng bigas sa bansa. Kamakailan ay natupad ang pagnanais ng Pangulo, ipinasa ng Kongreso at nilagdaan na niya ang panukala na ngayon ay kilalang Rice Tariffication Law.
“Tutulungan ng batas ang mga magsasaka na mapag-ibayo ang kanilang kita at katatagan sa competisyon,” sabi ni Senate Agriculture Committee Chair Cynthia Villar, isa sa mga nagsulong ng batas. Kasi, bawat importasyon ng bigas ay papatawan ng 35 porsyentong buwis kapag ito ay galing sa mga bansang kasapi ng Southeast Asian Nation (ASEAN) at 50 porsyento naman sa mga hindi kasapi. Ang buwis na makokolekta sa ilalim ng batas ng 10-bilyong piso ang siyang magpopondo sa Rice Competitiveness Enhancement Fund o Rice Fund. Ang Rice Fund ay gagamitin sa pagbili ng mga makinaryang gagamitin ng mga magsasaka upang mapababa ang kanilang gastos sa paglilinang ng bukid at pagbili ng mga binhi na ibibigay sa kanila upang maparami ang kanilang ani. Dito sa pondong ito papautangin sila ng gobyerno na magagamit nilang puhunan.
Napapalamutian ng magandang layunin ang batas. Pero, tulad ng mga naunang batas na nagpipinta ng magandang buhay sa mamamayan, naging salot ang mga ito. Ginamit lang ang mga ito ng mga ganid at makapangyarihan para busugin ang kanilang sikmura at hayaan ang sa taumbayan na kumakalam.
Pangunahin na rito ang Oil Deregulation Law. Ayon sa mga gumawa ng batas na ito, bababa ang presyo ng produktong petrolyo dahil magkakaroon ng malayang kompetisyon. Pero naging malaya ang mga dambuhalang kumpanya ng langis na presyuhan ang kanilang produkto na naaayon sa kanilang higit na ikabubusog at ikayayaman, samantalang dahilan ito ng ikinalulugmok ng mamamayan sa kahirapan. Tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Ipinatong ng mga negosyanteng nasa larangang ito ang presyo ng mga ginagamit nilang produktong petrolyo.
Ganito na nga ang epekto ng Oil Deregulation Law, ipinasa pa ng Kongreso ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. Nangako ang pamahalaan na sa pamamagitan ng batas na ito ay maiibsan ang kahirapan ng sambayanan, pero ito ang nagpataas nang lubusan sa produktong petrolyo. Kaya, lalong tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin at nadagdagan pa ang gastusin sa transportasyon ng mga magsasaka. Ang principal sponsor sa Senado ng panukala ay si Sen. Sonny Angara, Chairman ng Senate Ways ang Means Committee. Aniya, ang buwis na makokolekta ng gobyerno sa TRAIN ay babalik naman sa taumbayan sa uri ng murang serbisyo. Pero, sa ibang porma bumalik sa mamamayan ang inflation.
Ang Road Tax Law at coconut Levy ay kauri rin ng Rice Tariffication Law. Napaganda ba ang mga kalye, naibsan ang traffic at nakontrol ang pagbaha ng mga pondong nakolekta sa ibinabayad na buwis ng mamamayan sa sinehan at iba pang libangan? Napaganda ba ang buhay ng mga nasa coconut industry ng ibinabayad nilang coconut levy? Ang mga pondong nakolekta sa mga batas na ito ay nauwi sa bulsa ng iilan. Magagaya lamang sa sitwasyon ng Oil Deregulation Law ang sitwasyong ibubunga ng Rice Tariffication Law. Magkakaroon ng monopolyo at malalagay sa kamay ng iilan, lalo na sa dayuhan, ang buhay ng sambayanan.
-Ric Valmonte