Isa na namang retiradong opisyal ng militar ang itinalaga ni Pangulong Duterte sa kanyang Gabinete.
Si Rene Glen Paje ay itinalaga ng Pangulo bilang Undersecretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa isinapublilkong official appointment papers, nakasaad na nitong Pebrero 15 pa ipinuwesto ng pangulo si Paje sa kagawaran, halos isang buwan makaraang italaga nito si Felicisimo Budiongan bilang DSWD undersecretary nitong Enero 23.
Si Major Paje ay hepe ng First Scout Ranger nang sumiklab ang Marawi siege sa Lanao del Sur noong Mayo 23, 2017, na nagtapos saktong limang buwan ang nakalipas.
Dati ring deputy chief of staff for military operations si Paje, na miyembro ng Philippine Military Academy Class of 1986.
Isa na ngayon si Paje sa mga retired military official na iniluklok ng Pangulo sa pamahalaan.
Maninilbihan ngayon si Paje sa pamumuno ni dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Rolando Bautista, na kalihim ngayon ng DSWD.
Ikalawa si Paje sa dating opisyal ng militar na ipinuwesto sa DSWD sa loob lang ng isang buwan.
Nauna nang ikinatwiran ni Duterte ang pagtatalaga nito ng mga dating sundalo sa kanyang Gabinete dahil nasa tama at mabilis umano ang kanilang trabaho.
-Argyll Cyrus B. Geducos