PAGPASOK pa lamang ng kasalukuyang dekada, kabi-kabila na ang pagtutol sa napabalitang “reclamation projects” sa Manila Bay, ngunit ‘tila may kababawan ang pangunahing pangamba rito ng karamihan –ito ay ang posibleng pagkawala ng magandang tanawin ng paglubog ng araw sa makasaysayang look.

Lumalim na lang ang pangamba ng ating mga kababayan nang magsimulang kumibo at mag-ingay ang ating mga scientist, matapos magsaliksik hinggil sa masamang idudulot ng “reclamation projects” sa mga siyudad at pamayanan na nakasasakop sa mga lugar na “tatambakan” upang gawing commercial complex, na siguradong ang magiging pangunahing negosyo sa palibot nito ay mga casino.

At dito na ako medyo kinakabahan – dahil sa susunod na linggo ay uumpisahan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang tinatawag nilang “dredging activities” sa tatlong lugar sa palibot ng Manila Bay, matapos mag-ocular sa look at Navotas River bago isinagawa ang “depth measurement test ” at “water quality test”.

Nakababahala kasi dahil baka ito na ang hudyat para umpisahan ang “43 reclamation projects” sa Manila Bay na sasakop sa 265 hectares o 2,650,000 square meters, na tatayuan ng mga higanteng mall na tatawaging “Pearl Harbor City”.

Sana naman ay hindi pa ito ang umpisa -- bagkus ay pag-aralan muna ng DPWH at ng iba pang ahensiya ng pamahalaan, ang pagsasaliksik na ginawa ng mga pantas sa siyensiya na nagbigay ng babala sa kapahamakang idudulot ng “massive reclamation” sa Manila Bay.

Lalo na ang isinulat ng lodi kong si Dr. Kelvin S. Rodolfo sa “On Geological Hazards that Threaten Existing and Proposed Reclamations of Manila Bay” na naglalarawan ng ‘di mapipigil na trahedya kapag itinuloy ang “reclamation projects” dito.

Tatlong “ngitngit ng kalikasan” na ‘di mapipigilan ang sinasabing magaganap – puwedeng magkakahiwalay o magkakasabay – na magdadala ng malaking pinsala sa buong Metro Manila at sa mga kanugnog na lalawigan ng Bulacan, Bataan, Pampanga at Cavite. Ang mga ito ay pagbaha, higanteng daluyong (storm surges), at ang pagguho ng mga gusali sa mga “reclaimed areas” sanhi ng “liquefaction” kapag nagkalindol.

Batay sa pagsasaliksik, dahil sa “global warming” ay patuloy ang unti-unting pagtaas ng tubig-alat sa Manila Bay, habang ang mga lugar naman sa paligid nito ay lumulubog ang lupa dahil sa sobrang paghigop sa “ground water” na gamit natin sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Kapag pinagsama ang sukat ng pagtaas ng tubig at ang sukat ng paglubog naman ng lupa – hindi biro ang pinsalang idudulot ng tubig na aahon sa buong kalupaan sa paligid ng Manila Bay, hindi lang kapag “high tide” bagkus sa konti lang na pagbuhos ng ulan at mas lalo pa kung may bagyo.

Kapag itinuloy ang “reclamation projects”, ang Manila Bay ay magmimistulang isang balde na puno ng tubig, na kapag nilagyan ng malalaking tipak na bato at buhangin ay aapaw ang tubig at babaha sa buong paligid nito.

Ang isang malaking halimbawa ng ganitong pangyayari ay ang pagtatambak sa dating pamosong “catch basin” sa lugar na sakop ng Caloocan City, Navotas at Malabon noong dekada ‘70, na kung tawagin ay Dagat-dagatan.

Nang matabunan ang lugar na ito at gawing “subdivision” para sa masa – proyekto noon ng Marcos Administration – kahit hindi umuulan, basta tumaas lang ang pagkati ng tubig-dagat (high tide), baha agad sa mga mababang lugar, lalo na sa Navotas at Malabon, na dati namang ‘di man lang binabaha.

Resulta, nasira ang malalaking palaisdaan sa lugar dahil sa walang tigil na pagbaha, at ang naging remedyo – ang mga palaisdaan ay ginawang tambakan na lang ng mga basura na galing sa buong Metro Manila.

Sa huling bahagi ang dalawa pang nagbabantang panganib ng “reclamation projects” sa Manila Bay.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].

-Dave M. Veridiano, E.E.