KAHIT may itinakdang araw ang Commission on Elections (Comelec) ng panahon ng pangangampanya, ang mga wannabe o ang mga kandidatong gustong maging senador, kongresista, mayor, vice mayor, miyembro ng Sangguniang Bayan at city council sa iba’t ibang distrito sa mga lalawigan at lungsod sa ating bansa, ay hindi mapigil sa maagang pangangampanya.
Kung hindi man sila ang aktuwal na nangangampanya, ang mga tauhan naman nila ang kumikilos. Ang mga wannabe naman na mga governor, vice governor at miyembro ng Sanggunian Panlalawigan ay ganoon na rin. ‘Di na rin mapigil sa pagkampanya.
Napapansin ng marami nating kababayan at ng mga sumusubaybay sa nangyayari sa kampanya sa pulitika na namumulaklak at namumutiktik na ang mga political poster at makukulay na tarpaulin ng mga sirkero at payaso sa pulitika.
Mayroong mga nakasabit sa bukana ng mga palengke, sa dingding ng bahay na malapit sa tulay na dinaraanan ng maraming tao at mga sasakyan. Bukod sa mga nabanggit, may makukulay na tarpaulin din ng mga wannabe na nakasabit sa likod ng mga tricycle. May nakalagay at nakadikit din sa itaas ng tindahan na nasa tapat ng Simbahan.
Sa paraang ito ng pangangampanya, naniniwala ang mga wannabe at ang kanilang mga tauhan na makatutulong ito para maalala sila ng mga botante sa eleksiyon. Magiging matindi pa ang “recall” kung pupuntahan ng mga lider at tauhan ng mga wannabe ang matataong lugar.
Kapansin-pansin na rin ang mga kababayan nating nakasuot ng t-shirt na may naka-print na mukha ng mga wannabe. Sa harap ay makikita ang makulay na larawan ng wannabe at ang kanilang pangalan. Sa likod naman ay ang mga madilat at malinaw na titik ng slogan ng wannabe.
Patuloy naman ang gagawing obserbasyon ng iba nating kababayan sa mga gagawin pang pagkilos at sistema ng political campaign ng mga wannabe. Makapagpapasya ang mga kababayan natin sa kanilang gagawing pagboto sa darating na halalan sa ikalawang Lunes ng buwan ng Mayo 2019.
oOo
Maraming ina ng tahanan ang naalarma sa paglaganap ng sakit na tigdas sa mga bata. Kabilang sa mga nabahala ay ang mga nanay na hindi pinabakunahan ang kanilang mga anak. Dahil dito, sila na ang nagkusang magdala sa kanilang mga anak sa municipal dispensary at sa barangay para paturukan ng bakuna.
Samantala, natuwa naman ang ibang mga ina sa ginawang pagtungo sa bahay ng mga tauhan ng Department of Health (DoH) para bakunahan ang mga bata.
Batay sa naitala ng DoH, umaabot na sa halos sa 7,000 katao ang tinamaan ng tigdas. Kasama na sa nasabing bilang ang mahigit 100 batang namatay dahil sa naturang sakit.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, mula noong Enero 1, 2019 hanggang Pebrero 13 ,2019, umabot na sa 6,921 ang naitalang kaso ng tigdas sa bansa. May 115 naman ang kumpirmadong namatay dahil sa kumplikasyon. Sa Metro Manila naitala ang pinakamaraming kaso ng na tigdas. Umaabot na sa 1,752 ang mga batang may tigdas.
Dahil sa pagtaas ng bilang ng mga batang nagkakasakit ng tigdas, tiniyak ni Health Secretary Duque na patuloy ang DoH sa pagkilos upang makontrol ang outbreak. Patuloy ang pag-ikot ng mga tauhan ng DoH upang mabatid ang kalagayan o kondisyon ng mga pasyente ng tigdas sa iba’t ibang health center at mga ospital.
Bukod sa mga nabanggit na hakbang, nagsagawa rin ang DoH ng mapping activities at nagbahay-bahay upang matiyak kung alin sa mga pamayanan o komunidad ang may pinakamaraming kaso ng tigdas. At upang hikayatin ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak. Ayon sa Health Secretary, target nilang mabakunahan ang may 2.4 milyong bata na anim na buwan hanggang limang taon gulang. Kabilang sa nakatakdang bakunahan ay ang mga batang nag-aaral sa elementarya na hindi pa nabakunahan.
Magtagumpay sana ang DoH sa nasabing programang magliligtas sa mga batang mag-aaral mula sa tigdas.
-Clemen Bautista