MALAKING bahagi ng atensiyon ng publiko ay nakatuon ngayon sa nalalapit na midterm election sa Mayo, habang mahigpit ang pagbabantay ng pamahalaan sa mga presyo sa merkado upang masiguro na hindi ito sisirit katulad ng nangyari noong nakaraang taon. Ngunit isang pangmatagalang programa na dapat na mabigyan ng buong atensiyon simula ngayong taon ay ang plano na bigyan ng malaking tungkulin ang agrikultura ng Pilipinas para sa pambansang pag-unlad.
“The farm sector had virtually zero contribution to economic growth last year,” sinabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno, nitong nakaraang linggo. Noong 2018, nasa 0.9 na porsiyento lamang ang inilago ng agrikultura at nag-ambag lamang ng 0.1% puntos sa kabuuang Gross Domestic Product (GDP) growth na 6.2% para sa buong taon. Kung nakamit ng agrikultura ang potensyal nitong 4%, aniya, aabot sa 6.5% ang GDP ng bansa.
Ngayong taon, sinabi ni Secretary Diokno na prayoridad ng administrasyong Duterte ang sektor ng agrikultura. Nakikipagtulungan na ngayon ang mga economic manager sa mga opisyal ng sektor ng agrikultura upang magpatupad ng mga programang pagpapaunlad sa pamamagitan ng paglalaan ng mas malaking halaga, pagtuon sa pananaliksik sa agrikultura at kaugnay nitong serbisyo, at ang tulong sa mga magsasaka sa produksiyon at pagbebenta.
Malaking bahagi ng programa ang nakatuon sa mas maluwag na pagpasok ng maliliit na magsasaka sa mga credit at loan facilities, ani Secretary Diokno. Naipresenta na ng Land Bank of the Philippines ang paraan kung paano ito maisasakatuparan. Isinasaayos na rin ng Agriculture Credit Policy ang Production Loan Easy Access program upang mas maraming maliliit na magsasaka ang maabot nito sa mga lugar sa bansa na nananatiling walang serbisyo ng mga banko.
Matagal nang binabanggit ang malaking pag-asa ng sektor ng agrikultura para sa pambansang pag-unlad ng ekonomiya, katulad ng production at pagluluwas ng bigas bilang isa sa pinakaunang hangarin ng maraming nagdaang administrasyon. Ang administrasyon ni Marcos ay may programang Masagana 99 na nagtagumpay sa maikling panahon sa pagluluwas ng bigas, ngunit agad ding itong nasira sa harap ng mababang lokal na produksiyon laban sa higit na mas magandang rice program ng Vietnam at Thailand. Sa kasalukuyan, umaangkat tayo ng malaking bahagdan ng ating pangangailangan sa bigas sa nabanggit na dalawang bansa.
Gayunman, nasa sa atin ang lahat ng potensiyal upang makapag-ani ng sarili nating bigas—ang ating malawak na lupain, ang bagong mga high-yielding and dought at pest-resistant rice varieties na likha ng ating sariling mga agricultural researchers, ang sapat na ulan at, sa panahon ng tagtuyot, ang mga patubig o irigasyon na ngayon ay ibinibigay na ng libre ng pamahalaan. Para sa ating sektor ng pangingisda, marami tayong mga ilog at lawa at ang ating libu-libong mga isla na napalilibutan ng mga dagat. Lahat ng mga potensiyal na ito ay matagal nang nasa atin ngunit hindi natin nagawang mapaunlad at magamit ang mga ito nang lubusan.
Ang naging anunsiyo ni Secretary Diokno nitong nakaraang linggo na ngayon taon ay pagtutuunan ang agrikultura, ang nagpapataas ng pag-asa na sa wakas ang matagal nang napabayaang bahagi ng pambansang pag-unlad ay makatatanggap na ng nararapat na atensiyon mula sa pamahalaan. Magsisimula ito sa alokasyon ng pondo, na sinimulan na ng kalihim ng DBM. Dapat na itong tumuloy sa Department of Agriculture at sa marami nitong kaugnay na ahensiya at mga field workers, at sa mga lending at marketing institution ng pamahalaan.
Maaaring hindi kasing laki ang pondo para sa agrikultura kumpara sa programang pang-imprastruktura na “Buil, Build, Build” ng pamahalaan, ngunit kung sisimulan natin ngayong taon ang malawakang programa para sa agrikultural na pag-unlad, malaki ang maiaambag nito sa pambansang pag-unlad, sa halip na “virtual zero contribution” na nangyari nitong nagdaang taon.